Manager ng advertising agency ipinahiya, halos isumpa rin si VICE
Kahit saan kami magpunta, kahit sino ang makausap namin, ay kapansin-pansin na walang sumasang-ayon sa ginawang panglalait-paglalarong ginawa ni Vice Ganda kay Jessica Soho.
May sumisimangot na agad sa pagkarinig pa lang sa pangalan ng komedyanteng may kagaspangan ang tubo ng dila, meron namang nagsasabing ito na ang hudyat ng kanyang pagbagsak, dahil hindi na tama ang kanyang mga ginagawa at marami na siyang nasasaktang tao sadya man o hindi ang kanyang mga biro.
Ang dami-dami na ring lumulutang na mga kuwento ngayon tungkol sa ginawang pambabastos ni Vice nu’ng mga nakararaang taon sa ating mga kababayang napiling magpalipas ng buong gabi sa comedy bar na kanyang pinagtatrabahuhan noon.
Napakatindi pa naman ng teknolohiya ngayon, napakaraming paraan para magtawid ng opinyon at emosyon ang kahit sino, kaya pati ang mga nakalibing nang bangkay ay nahuhukay pa para magamit laban sa maraming personalidad.
May kuwento pa tungkol sa isang manager ng advertising agency na binalahura ni Vice Ganda, pulang-pula raw sa kahihiyan ang mukha ng manager, ‘yun daw ang dahilan kung bakit kahit anong proyekto ay walang makukuha sa ahensiyang pinamumunuan ng nabastos na lalaki ang bastos na komedyante.
Magsilbi nawang leksiyon kay Vice Ganda ang senaryong ito, hindi niya puwedeng gawing biro ang lahat ng bagay, lalong wala siyang karapatang paglaruan-bastusin ang kahit sino para sa interes ng kanyang karera.
Konting hinay-hinay sana, lalo na kapag mayhawak tayong mikropono, parang baril ‘yun na kargado ng bala pero hindi dapat gamitin sa paraang merong aaray at masasaktan.
Sayang, positibo pa naman ang kanyang pangalan, pero hindi na ganu’n ang tawag sa kanya ng mas nakararami ngayon dahil sa sobrang kayabangan ng kanyang mga atake.
Vice Pangit. Bagay ba?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.