DI makapagbibigay-lugod sa Diyos ang mga alipin ng laman. Iyan ang Pagninilay sa ikalawang pagbasa sa Ebanghelyo (Ez 37:12-14; Rom 8:8-11; Slm 130:1-2, 3-4, 5-6, 7-8; Jn 11:1-45) sa ikalimang linggo ng Kuwaresma.
Kailanman, ang tukso’t sala sa laman, gilingin man ang natirang abo sa Sodom at Gomora, ay hindi mamatay-matay. Lamunin man ng uod ng HIV-AIDS ang sukdulan, pinuputungan pa ng galang ang inihalal na mga opisyal, na pinasusuweldo pa ng taumbayan. Aray!
Sa tanong na sino ba ang walang girlfriend, na higit na tinanguan ni Digong sa pagtatanggol sa ganid sa laman, kamamatayan na ang kahayukan. “…sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Mamamatay nga kayong taglay ang mga kasalanan.” Juan 8:21-30.
Ayoko na sanang patulan ang pahayag ng opisyal ng Presidential Communications. Makulit ang isang reverendo sa SJDMC. Ang sabi ng opsiyal ng PC, ang ibinoto ng taumbayan ay makamundo at di pari o santo. Ikaw naman, ibinoto nga ang pari sa Central Luzon, hayun ang lugmok na mahirap. Walang COMELEC sa paghirang ng santo.
Ang inaaning kahihiyan nina Digong at tropang Davao ay di kagagawan ng dilawan. Sila mismo ang gumawa ng mga kontrobersiya na lumalaki at maaaring mauwi sa moral bankruptcy (ayokong isalin ang salita dahil mas tumbok nito ang mangyayari) at mameligro si Digong.
Ang tanong na “Sino ba ang walang GF?” ay pandamay lang. Bago itinanong yan, dapat tinanong muna sina GMA, Ate Vi, Gwen Garcia, Tita Eve Escudero, atbp. May marangal at maringal na mga saloobin ang matitinong babae sa Kamara. Ayon sa bugoy na kongresista, kahit bakla ay may mga GF din. Kaya pala maraming anak ang bakla sa isang network.
Kung patuloy na ipagtatanggol ang kabit system, ituro na rin yan sa inyong mga apo. Sabihin sa kanila na, hoy, mga buchukoy, marami ang meron niyan. Ang mga lolo ay ipinagyayabang ang dami ng kabit. Ganoon na ba tayo?
Sa tala ni Digong, napakaraming gobernador, mayor at barangay chairman ang umano’y sangkot sa droga. Pahagis-hagis pa siya ng makapal na listahan pero wala naman siyang idinemanda. Mahina ang ebidensiya dahil i-binase ang akusasyon sa sabi-sabi.
Tama ang ginawa ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar: idinemanda ang mga agaw-lupa. Bakit hindi bayaran ng Kadamay ang piyansa ng mga nabimbin at bigyan ng magagaling na abogado ang mga akusado? Sa halagang P300 (daw) ay sumama sila sa pangangagaw ng lupa?
Iimbestigahan daw ng Senado ang agaw-bahay sa Pandi, Bulacan. Paano kung walang dumalong agaw-bahay? Ipaaaresto ba nila ang mga kinampihan ni Digong? Ito namang si Digong (75, pasang-awa), nakalimutan (o kinalimutan) na ang malawak na sakop ng batas kontra trespassing.
Bakit di subukan ng Kadamay na mang-agaw ng lupa sa Camarin, Tala at Bagong Silang sa North Caloocan? Malugod silang sasalubungin ng bala at itak. Nakakita na ba sila kung paano tumimo ang pana na may sima sa katawan at ulo (tiyak na hindi nila inabot ang panaan noon sa Tondo)?
Ihatid at sunduin sa paaralan ang anak na dalaginding. Dumarami ang bilang ng mga dalaginding na hinahablot sa kalye, isinasakay sa van o kotse, saka iniiwanan pagkatapos pilahan at pagsawaan ng mga hayok. Kapag nahuli ang hayok, patayin agad, payo ng pulis na nabiktima ang pamangkin sa apo ng kabit.
KUWARESMA: Ipagdasal ang mga pari na maging katimtiman ng dalisay na salita ng Diyos dahil nauupos na ang kalidad at kinang nila lalo na sa homilia, bukod sa nadaragdagang umaayaw o umaalis sa bokasyon.
PANALANGIN: Sa ngalan ni Jesus, igapos ang puwersa ng kamunduhan sa gobyerno, na mas lalo pang ipinagtatanggol dahil ginagawa rin ito ng karamihang gahaman sa laman.
REKLAMO ng bayan (0916-5401958; [email protected]): Kinikikilan ng mga traffic enforcers ang mga nakamotor sa Commonwealth na ang nakasulat ay “For Registration” lang kahit na may sales invoice na dala. …5621
May mga empleyado ng City Hall (QC) na gumagamit ng shabu. Matagal nang bawal ang surprise drug test sa City Hall. …1007
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.