Patayan, murahan, rape, droga, corruption bumida sa ‘Bubog’
DAVAO City – Naiintindihan na namin kung bakit binigyan ng R-18 ng MTRCB ang kontrobersyal na indie movie na “Bubog” (Crystals) na idinirek ni Arlyn dela Cruz.
Napanood na namin ang pelikula sa ginanap na Philippine premiere nito kamakailan sa SM Lanang kung saan present ang ilan sa members ng cast, tulad ng mga veteran stars na sina Juan Rodrigo at Elizabeth Oropesa at ang magaling ng character actor na si Archi Adamos.
Dumating din ang mga baguhang youngstar na sina Raffy Reyes, Chanel Latorre at Jemina Sy.
Malinaw ang pagkakalahad ng istorya ng “Bubog” na sumesentro sa anti-drug campaign ng pamahalaan at sa mga nagaganap na patayan sa iba’t ibang panig ng bansa. Naitawid ni direk Arlyn ang nais iparating ng pelikula sa mga manonood, lalo na ang tungkol sa mga pinaggagagawa ng mga tiwalang pulis na sangkot sa ilegal na droga.
Sinimulan ni direk ang kuwento sa pagkapanalo ng bagong Pangulo ng Pilipinas na ginagampanan ni Julio Diaz. Pero bago pa man siya maluklok sa Malacañang, kaliwa’t kanan na ang nagaganap na patayan, na karamihan sa mga biktima ay sangkot sa pagbebenta ng droga, kasama na ang ilang matataas na opisyal ng kapulisan.
Bayolente ang ilang eksena sa “Bubog” lalo na ang ginawang pagpatay sa mga miyembro ng drug syndicate sa kuwento at sa ginawang pag-torture sa karakter ni Allan Paule na dapat sana’y gagampanan ni Baron Geisler.
Pero feeling namin, hindi ito ang numero unong rason kung bakit binigyan ng R-18 ang movie, bukod kasi sa mga bayolente at madugong eksena, pati na ang panggagahasa at pagpatay sa isang batang babae, grabe ang mga dialogue ng ilang karakter sa pelikula, kabilang na riyan ang mga iskandalosang eksena nina Elizabeth Oropesa, Janice Jurado, Allan Paule at iba pang pangunahing tauhan sa kuwento.
Agaw-eksena rin dito ang sex scene nina La Oro at Kristoffer King na talagang ikina-shock ng mga nanood sa premiere night.
Naniniwala si direk Arlyn na magiging eye opener ang kanilang pelikula, “It is. The timing is intentional because the film took a stand. Yes, it’s a very violent film. But with the violent images comes the message of preservation of life, family, and the society in general. It puts faces on the situation of drug abuse, distribution, proliferation, and control.”
Nang tanungin si direk Arlyn sa ginanap na presscon ng “Bubog” bago ang premiere night, kung bakit “Bubog” ang titulo ng pelikula, “Bubog or crystal is a take on substance abuse and addiction particularly shabu. Ang salamin ay kumakatawan sa ating pagkatao. Kapag nabasag ito, kapag bumagsak ito, kakalat ang bubog. Salamin pa ba ito? Buo pa ba ito? Paano mo bubuuing muli ang pira-pirasong bubog para mabuo muli ang salamin?”
Ang “Bubog” ay mula sa Blank Pages Production at Asian Premier Resources Trading nina Andrea Cuya at Aya Sycon. Kasama rin dito sina Jackielou Blanco, Kiko Matos at Rommel Padilla.
Bukod sa naganap na sunud-sunod na premiere night sa Davao, magkakaroon din ng special screening ang “Bubog” sa iba pang sinehan sa Visayas, Luzon at Metro Manila. Balak din ng mga producer na ipalabas sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang pelikula para mapanood ng mga kababayan nating OFW.
Ang “Bubog” ay ang ikalimang obra ni Arlyn dela Cruz, ang naunang apat na ginawa niya ay ang “Maratabat”, “Mandirigma”, “Tibak” at ang “Pusit” na showing na ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.