11,000 lumikas, mga istruktura nasira ng lindol sa Batangas | Bandera

11,000 lumikas, mga istruktura nasira ng lindol sa Batangas

John Roson - April 05, 2017 - 04:45 PM
batangas Humigit-kumulang 11,000 katao ang nagsilikas at ilang istruktura, kabilang ang Taal Basilica, ang napinsala dahil sa magnitude-5.5 lindol na yumanig sa lalawigan ng Batangas at mga karatig-lugar Martes ng gabi, ayon sa mga otoridad Miyerkules. Di bababa sa 55 aftershocks pa ang yumanig sa iba-ibang bahagi ng lalawigan hanggang Miyerkules ng hapon kasunod ng lindol, na naramdaman din sa ilang bahagi ng Metro Manila. Aabot sa 2,000 katao ang nagsilikas sa coastal barangays ng Taal at Lemery, habang tinatayang 1,000 ang nagsilikas sa Mabini, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Calabarzon. May mga nagsilikas ding residente ng coastal barangays ng San Luis at islang-bayan ng Tingloy, ang pinakamalapit sa sentro ng lindol na naganap alas-8:58 ng gabi. Natakot ang mga residente sa coastal barangays ng Batangas na magkakaroon ng malalaking alon o tsunami kaya lumikas, ayon sa OCD. Nagsiuwian lang sila alas-4 ng umaga Miyerkules, matapos tiyakin ng mga lokal na awtoridad na walang ganoong epekto ang lindol. Dahil naman sa sunud-sunod na aftershocks na naramdaman hanggang Miyerkules, tinatayang 8,000 ang nagsilikas sa ilang bahagi ng Batangas City, kabilang na ang mga pasyente’t tauhan ng apat na ospital at mga shopper at tauhan ng isang mall, ayon sa OCD. May ilang pasyente ring lumabas ng Bejasa Hospital sa bayan ng Bauan Martes ng gabi. Malapit sa Tingloy at 3 kilometro lang ang lalim ng lindol, na nakapagtala ng Intensity 6 sa Batangas City; Intensity 5 sa Malvar at Calatagan; Intensity 4 sa Cuenca, Batangas, at sa mga bayan ng Silang, Noveleta, Imus, Indang, at Tagaytay City ng Cavite. Intensity 3 ang naramdaman sa Gen. Trias at Dasmarinas City ng Cavite; Lucena City ng Quezon; at Sta. Rosa, Laguna, habang Intensity 2 ang naitala sa Talisay, Batangas. Nakaramdam din ng Intensity 4 sa Makati City at Obando, Bulacan; Intensity III sa Mandaluyong City, ilang bahagi ng Quezon City, at distrito ng Sta. Ana sa Maynila, ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council. Sa Batangas, kabilang sa mga istrukturang nagtamo ng pinsala ang kilalang Taal Basilica, o Minor Basilica of Saint Martin of Tours, na isang makasaysayang simbahan sa bayan ng Taal. Naglaan na ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas ng P1 milyon para ipaayos ang pinsala at patibayin ang simbahan. May mga naiulat ding pinsala sa simbahan sa Tingloy at ilang gusali sa Batangas City, kabilang ang University of Batangas na nagkabasag-basag ang mga bintana dahil sa lindol, ayon sa OCD. Nagpadala na ang pamahalaang panlalaiwgan ng 200 sako ng semento para mapaayos ang mga napinsalang imprastruktura sa Tingloy. Bukod sa pinsala, nagka-brownout sa iba-ibang bahagi ng Batangas, partikular na sa San Pascual, noong kasagsagan ng lindol at ilang saglit matapos ito. Sinuspende ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas ang klase sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pribadong paaralan Miyerkules, para mapangasiwaan ang damage assessment sa mga istruktura sa buong lalawigan. Nakahandang magdeklara ng state of calamity ang pamahalaang panlalawigan base sa resulta ng isinasagawang damage assessment. Suspendido rin ang klase sa kalapit na bayan ng Laguna, habang inaalam din ng mga lokal na awtoridad ang pinsalang dulot ng lindol, ayon sa OCD.

 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending