Nakakatawang paliwanag ng pulis na nambugbog
NAKAKATAWA ang paliwanag ni Chief Insp. Melvin Madrona sa kanyang pambubugbog sa isang motorista sa loob ng Fairview (Quezon City) police station.
Ang insidente ay kitang-kita sa closed circuit television (CCTV) camera.
Sinabi ni Madrona na nagdilim ang kanyang paningin kaya’t sinuntok-suntok at kinulong niya ang motorista.
Nangyari ang insidente matapos ang pagtatalo ni Madrona at ng motorista sa banggaan ng kanilang mga kotse.
Nagkasagutan ang dalawa kaya’t pumunta ang motorista sa istasyon.
Hinabol siya ng pulis at pinagsusuntok siya sa harap ng kapwa pulis.
Walang ginawa ang mga kasamahan ni Madrona habang sinasaktan niya ang kawawang motorista.
“Nagdilim ang paningin ko. Tao lamang ako,” ani Madrona.
Yan ang palaging sinasabi ng mga pulis matapos nilang suntukin, sipain, pukpukin ng baril o patayin ang isang walang kalaban-labang mamamayan.
Bilang matagal na police reporter at host ng “Isumbong mo kay Tulfo,” ang original na sumbungan ng bayan, narinig ko na ang paliwanag na yan ng mga pulis na nagkasala.
“Nagdilim ang paningin ko. Ako’y tao lamang.” Nakakasuka na ang paliwanag na ito.
Ang isang pulis, lalo pa ang may mataas na ranggo na gaya ni Madrona, ay hindi dapat nawawalan ng pasensiya sa mga walang armas na mamamayan.
Makailang beses itinuro sa kanila na dapat mahaba ang kanilang pasensiya sa taumbayan.
***
Isa pang nakakatawa ay yung pagsasampa ni Madrona ng direct assault laban sa kanyang biktima.
Sinabi ni Madrona na sinuntok siya ng biktima.
Walang mamamayan na nasa kanyang matinong pag-iisip na mananakit sa isang pulis.
***
Sinabi ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, chief ng Philippine National Police, na iniisip niyang kasuhan at ilagay sa restrictive custody ang mga pulis na nanonood lamang habang sinasaktan ni Madrona ang kawawang motorista.
Hoy, sir, dapat hindi mo na iniisip. Dapat ay kasuhan mo at ilagay din sa restrictive custody ang mga kasamahan ni Madrona.
Ang pagkunsinti ng isang pulis sa isang krimen na nagaganap sa kanyang harapan ay isang krimen din at dapat siyang kasuhan.
***
Kaya’t walang kurap-mata kong sinasabi na halos lahat ng PNP ay bulok at dapat nang palitan ng bagong organisasyon.
Alam ng iba ang mga masasamang gawain ng kanilang kasamahan pero hindi sila kumikibo.
Sa kanilang hindi pagkibo ay para na ring kinukusinti nila ang masamang gawain.
Ito ay tinatawag na crime of omission.
Dapat inaawat nila o sinusumbong nila ang masamang gawain ng kanilang kasamahan.
***
Namatay si Shiryl Saturnino, isang 29-anyos na negosyante, matapos ang tatlong operasyon sa isang araw, sa isang plastic surgery clinic sa Mandaluyong City.
Ang tatlong procedures ay liposuction, pagpapalaki ng dibdib at pagpapakapal ng puwet.
Maganda kasing tingnan ang babaeng busog ang dibdib at matambok ang puwet.
Sayang si Shiryl.
Nakita ko ang kanyang larawan; maganda siya.
Hindi na niya kailangan ng mga procedures na nabanggit.
***
Tinanggap ni Vice President Leni ang imbitasyon ni Pangulong Digong na makipag-dinner si Leni at kanyang pamilya kay Digong.
Sana ito’y umpisa ng reconciliation ng dalawa.
Ang mga kaalyado at supporters ng dalawang panig ang nagpahiwalay ng landas sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
***
Magkaaway na ang matalik na magkaibigan na sina Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez at Davao del Norte Rep. Antonio “Tonyboy” Floirendo.
Sa pagkakaalam ng inyong lingkod, maliit na bagay ang kanilang pinag-awayan.
Sana’y maresolba nila ang kanilang gusot sa hapag kainan na gaya ng gagawin nina Digong at Leni.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.