Alvarez itinanggi na babae ang dahilan ng pagpapaimbestiga kay Floirendo
Itinanggi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na babae ang pinag-awayan nila ni Davao del Norte Rep. Tonyboy Floirendo, na sumusuporta rin kay Pangulong Duterte. Sinabi ni Alvarez na maaaring gawa na ang PR (public relations) ang ganitong mga kuwento upang matabunan ang umano’y anomalya sa kontrata ng Bureau of Corrections at ng Tagum Agricultural Development Inc., isang kompanya ng saging na pagmamay-ari ng pamilya Floirendo. “Sa PR lang po iyan, binibigyan ng ibang slant iyong kaso,” ani Alvarez. Malakas umano ang ebidensya laban kay Floirendo kaya “mag-umpisa na siyang maglakad papunta sa kulungan.” Naghain si Alvarez ng resolusyon sa Kamara de Representantes at reklamo sa Office of the Ombudsman upang imbestigahan ang Tadeco. Sinabi ni Alvarez na “tsismis” lamang ang pagsasabi na babae ang kanilang pinag-awayan ng kapwa kongresista at “hindi po kikita ang bansa diyan. Kailangan po tumutok tayo doon mismo sa kontrata ng Tadeco na ipinasok ng gobyerno.” Inupahan ng Tadeco ang lupa ng Davao Penal Colony upang taniman ng saging. Panahon pa umano ni Marcos ang kontrata at na-renew noong 2004 ng hindi dumaan sa public bidding, ayon kay Alvarez. Nirentahan lamang umano ito ng P5,000 kada hektarya bawat taon. Ang lupang nirentahan ay may lawak na 5,308 hektarya. Sa kasalukuyan ay umaabot na umano sa P25,000 ang rentahan ng lupa. Sinabi ni Alvarez na pinalabas umano na mayroong joint venture ang gobyerno at Tadeco upang maiwasan ang malaking upa. Ang gobyerno ay kumikita lamang umano ng P1.30 kada kahon ng saging na ibinebenta sa ibang bansa. “Ngayon po, ang tanong ko lang, ito ba ay sumunod sa procurement law? Kasi po, kapag tingnan yung procurement law, wala pong authority ang BuCor para makipag-joint venture. Ang mayroon lang pong authority ay yung government-owned and controlled corporations, hindi po yung national entity. So yun po ang isang dapat tingnan diyan,” ani Alvarez. Si Floirendo ay major contributor ni Pangulong Duterte noong 2016 elections. Siya ay nagbigay ng P75 milyong kontribusyon. “Maaring siya yung major contributor ng ating Pangulo, pero hindi po nangangahulugan na mayroon siyang lisensya para nakawan niya ang bayan,” dagdag pa ni Alvarez. Itinanggi rin ni Alvarez na tumulong si Floirendo upang siya ay maging speaker. “Hindi ko naman pinangarap yung puwesto na iyan, so I can let it go anytime.” Inamin naman ni Alvarez na hindi niya kinausap si Floirendo kaugnay ng isyu “baka mamaya aregluhin pa ako” na sinundan ng tawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.