Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
8 a.m. DLSU vs NU (men)
10 a.m. UST vs UP (men)
2 p.m. UE vs DLSU (women)
4 p.m. UST vs FEU (women)
Team Standings: Women – *ADMU (9-2); DLSU (8-2); NU (7-4); UST (6-4); UP (6-5); FEU (5-5); UE (1-9); AdU (0-11)
Men – *ADMU (11-0); *NU (9-1); FEU (6-5); UP (5-5); UST (4-6); DLSU (4-6); AdU (2-9); UE
(1-10)
* – semifinalist
HAHABLUTIN ng nagtatanggol na kampeong De La Salle University ang ikalawang silya na may dalawang beses tataluning insentibo habang pilit na magpapatibay ang magkaribal na University of Santo Tomas at Far Eastern University sa kanilang tsansa sa Final Four sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Una munang magsasagupa sa men’s division ang sigurado na sa semifinals na National University Bulldogs sa pagsagupa sa pilit bubuhayin ang tsansa na DLSU Green Spikers ganap na alas-8 ng umaga bago sundan ng salpukan ng nag-aagawan sa ikaapat at huling silya sa Final Four na UST Tigers at University of the Philippines Maroons sa ganap na alas-10 ng umaga.
Makisalo naman sa liderato ang hangarin ng DLSU Lady Spikers sa pagsagupa nito sa napatalsik na University of the East Lady Warriors sa ganap na alas-2 ng hapon bago ang krusyal na salpukan sa pagitan ng Tigresses at Lady Tamaraws alas-4 ng hapon.
Nasa solong ikalawang puwesto ang Lady Spikers sa bitbit na 8-2 panalo-talong karta sa likod ng Ateneo Lady Eagles na mayroong league best 9-2 record. May tsansa pa ang La Salle na maagaw ang unang silya kung magagawang magwagi sa natitirang mga laro nito sa eliminasyon.
Nakakalamang din ang La Salle ng isang laro at kalahati sa sumusunod na Lady Bulldogs na may 7-4 record para sa labanan sa ikalawang puwesto na may twice-to-beat incentive sa Final Four.
Pinapaboran ang La Salle na magwagi kontra UE bagaman inaasahan na muling magpapakita ng hamon ang Lady Warriors na matatandaang pinahirapan muna ang Lady Spikers bago tuluyang nabigo sa kanilang unang laban.
Pag-aagawan naman ng dalawa sa pinakamaraming inuwing titulo sa liga na UST at FEU ang panalo na malaki ang importansiya sa kanilang magiging tsansa sa pagkuha ng pinag-aagawang ikaapat na puwesto.
Bitbit ang 6-4 karta at kapit ang ikaapat na puwesto ay nakakabante ang Tigresses ng isang buong laro kontra sa nasa ikaanim na puwesto na Tamaraws na may 5-5 record sa labanan para sa huling silya sa semifinals.
“Hopefully, wake-up call para sa amin. Kailangang ayusin namin, otherwise, may paglalagyan kami,” sabi ni Emilio “Kungfu” Reyes, na asam ibalik ang Tigresses sa Final Four sa unang pagkakataon sapul noong 2011-12 season.
“Kung kalahati lang ang effort, kalahati rin ang resulta. Sana everytime, maging all-out na sila kasi second round na. This could be a turning point kasi kami ng FEU, UP and NU, iisa na lang ang goal namin. Pare-parehas gustong pumasok ng Final Four,” sabi pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.