Sabit sa drugs pero gustong makapwesto sa Du30 admin
NAGULAT ako sa iki-nuwento sa akin ng isang kaibigan na dating mataas na opisyal ng Philippine National Police.
Hindi lang pala jueteng ang kinasangkutan ng isang personalidad na nangangarap magkaroon ng posisyon sa kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ng aking mapagkakatiwalaang source na sabit din sa operasyon ng ilegal na droga, partikular na sa Bicol region, ang bida sa ating kwento ngayong araw.
Malaki raw ang kinalaman nito kung bakit pinatay sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) noong 2015 ang dating jail warden at pangunahing suspek sa pagpatay sa isang mayor sa Masbate noong 2001.
Sinabi ng aking source na ang napatay na bilanggo sa NBP na si Charlie Quidato ang link sa isang bigtime drug lord sa Bilibid at ng personalidad na nag-aambisyon ng pwesto sa Duterte administration.
Dalawang bagay, ayon sa aking source, ang mahalagang obserbahan sa kaso ng nag-aambisyon na Cabinet member.
Una, baka tunay na walang alam ang pangulo sa background nito sa illegal drug trade.
Pangalawa ay baka may alam ang pangulo at ginagamit niya ang personalidad na ito para sa mas malalim na kampanya kontra droga.
Ano man ang dahilan ay nakakatakot na
mabigyan ng posisyon sa pamahalaan ang ating bida dahil nagsilbi rin itong galamay ng drug lord na hanggang ngayon ay sinasabing may impluwensiya pa kahit na nakakulong na sa Bilibid.
Sadyang may kayabangan rin ang nag-aambisyon na Cabinet secretary dahil kahit saan pala ito magpunta ay lagi niyang bukambibig ang pagiging malapit niya sa pangulo.
Ang personalidad, na ayon sa aking source ay hindi dapat mabigyan ng pwesto sa pamahalaan dahil sa kanyang mga kinasangkutang kalokohan ay si Madam C….as in Cannabis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.