Phoenix Fuel Masters binigo ang Blackwater Elite sa 2 OT
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Rain or Shine vs Mahindra
6:45 p.m. NLEX vs Meralco
MULING ipinakita ni Eugene Phelps ang kanyang matinding opensa para buhatin ang Phoenix Petroleum Fuel Masters sa dikdikang 118-116 double overtime na panalo kontra Blackwater Elite sa kanilang 2017 PBA Commissioner’s Cup game Sabado sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Umiskor si Phelps ng 53 puntos para malagpasan ang ginawang 52 puntos sa kanyang PBA debut noong 2016 PBA Governors’ Cup.
“It was a well-played game. I think we have to give credit to Blackwater. Both teams really deserved to win,” sabi ni Phoenix head coach Ariel Vanguardia.
“We know what Eugene can give us. They also have a very good import in Greg Smith,” dagdag pa ni Vanguardia.
Tumira si Phelps ng 19-of-32 mula sa field at ang kanyang huling basket ang nagbigay sa Fuel Masters ng 118-113 kalamangan may 40.3 segundo ang nalalabi sa laro. Meron din siyang 21 rebounds at limang blocks sa halos 55 minutong paglalaro.
Si Greg Smith, na dating manlalaro ng Houston Rockets sa NBA, ay nagposte ng 37 puntos, kabilang ang back-to-the-basket play na naghatid sa laro sa ikalawang overtime sa iskor na 110-all, at humablot ng 30 rebounds sa kanyang PBA debut para sa Elite.
Naghabol ang Blackwater mula sa 10 puntos, 85-75, sa ikaapat na yugto subalit kinapos sa huling limang minuto ng laro.
Napag-iwanan ang Elite ng dalawang puntos, 118-116, nang biglang bumitaw si Roi Sumang ng 3-pointer habang paubos na ang oras.
Samantala, habol naman ng Rain or Shine Elasto Painters at Meralco Bolts ang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa magkahiwalay na katunggali ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Unang sasalang ang Elasto Painters na makakaharap ang Mahindra Floodbuster sa unang laro ganap na alas-4:30 ng hapon.
Susundan naman ito ng sagupaan ng Bolts at NLEX Road Warriors ganap na alas-6:45 ng gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.