OFW bugbog-sarado sa batugang mister | Bandera

OFW bugbog-sarado sa batugang mister

Susan K - June 05, 2013 - 06:41 AM

 

MAHIGIT 10 taon nang nagtatrabaho si Eileen sa Hongkong ngunit kapag dumarating na ang kaniyang bakasyon, hati ang isip niya kung uuwi ba siya o hindi.
Labis siyang nangungulila sa dalawang anak na iniwan niya sa kanyang ina kaya gusto niyang umuwi. Pero may takot at pangamba na makita niya ang mister na seloso na walang kayang gawin kundi ang saktan at bugbugin siya.
Kuwento ni Eileen, kararating pa lamang niya noong nakaraang bakasyon niya mula Hongkong nang abutan niya ang asawang naghihintay sa kanya sa bahay.
Sa halip na maging maganda ang pagsalubong sa kanya, mag-asawang sampal ang inabot ni Eileen kasabay ang pambibintang na kalaguyo nito ang matandang inaalagaan niya sa Hongkong.
Ayon kay Eileen, palaging ganoon ang kanyang mister na machong-macho kung sapakin siya, ngunit saksakan naman ng batugan. Wala itong buto upang pangatawanan ang responsibilidad sa kaniyang pamilya bilang padre de pamilya.
Kaya gustuhin man niyang balikan ang kaniyang mga anak at dito na lamang sa Pilipinas maghanapbuhay, e nagdadalawang-isip siya. Gusto pa rin anya niyang mabuhay, magkaroon ng kalayaan bilang tao at isang babae at higit sa lahat maging isang mabuting ina, kahit malayo sa kanyang mga anak.
Anya, magagampanan pa rin niya ang tungkulin niya bilang ina.
Malungkot man na desisyon ngunit ito ang pinili ni Eileen alang-alang na lamang sa kanilang mag-iina.
Hindi rin niya matatagalan ang isang asawang katulad ng kanyang mister.
Hindi nag-iisa si Eileen sa ganyang problema. Ang katotohanan, marami tayong mga kababaihang nagtatagal sa abroad upang umiwas sa mga asawang mapaniil at ginagawang robot na lamang ang kanilang mga may-bahay at sunod-sunuran sa anumang naisin nila.
Tanong ni Eileen, “Masisisi niyo ba ako kung ayaw ko nang umuwi sa Pilipinas? Kung bakit natitiis ko ang aking mga anak?”
Anya, mas may kabuluhan ang buhay niya ngayon na siya ang nakakapagpadala sa pamilya para sa kanilang ikabubuhay sa pang araw-araw nilang pangangailangan.

Nagtrabaho sa loob ng mahigit 20 taon si Alejandro Singson bilang Civil Foreman sa Al Husseini General Contractor sa Jeddah.
Ayon sa maybahay niyang si Lilia na nagtungo sa Radyo Inquirer, inatake sa puso si Alejandro noong Hulyo 27, 2011 at siyang dahilan ng kamatayan nito. Naiuwi ang bangkay nito makalipas ang dalawang buwan.
Natanggap naman nila ang benepisyo mula sa OWWA.
Gayong may dalawang taon nang namamatay ang asawang OFW nang mapansin ni Lilia na mayroon pala itong GOSI (Government Organization for Social Insurance).
Ipinagkakaloob ang insurance na ito sa mga dayuhang manggagawa na magtagal nang nagtatrabaho sa Saudi.
Nakipag-ugnayan kaagad ang Bantay OCW sa tanggapan ng GOSI sa Riyadh, K.S.A habang nasa studio pa ng Radyo Inquirer si Lilia. Ayon kay Amador Mendoza ng GOSI Computer Department, kailangang ipadala ni misis ang GOSI I.D. ni Alejandro pati na ang mga dokumentong magpapatunay sa mahabang mga taong ipinaglingkod ng ating kabayan sa Saudi upang masimulan na nilang maiproseso ang naturang benepisyo.
Pinayuhan si misis na magtungo sa embahada ng Saudi para sa karangdagagng impormasyon.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Helpline: 0927.649.9870. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. E-mail: [email protected]/ [email protected]

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending