Mga Laro Bukas
(Malolos Sports Complex)
3 p.m. Cignal vs Sta. Lucia
5 p.m. Foton vs Generika-Ayala
7 p.m. Cocolife vs Petron
HINDI umubra ang baguhang Cocolife sa beteranong koponang Foton na nagwagi, 25-16, 25-17, 25-13, kahapon sa pagpapatuloy ng Belo-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.
Nanguna sina Grethcel Soltones at Dindin Manabat para sa Tornadoes na umani ng unang panalo sa prestihiyosong women’s club tournament na ito na may ayuda ng Mikasa, Senoh, Mueller at Grand Sport.
Si Soltones, na naglaro rin para sa San Sebastian College sa NCAA, ay gumawa ng 11 puntos habang si Manabat ay nag-ambag ng siyam na puntos para sa Foton.
Nakatulong naman sa Tornadoes ang malamyang depensa at alanganing atake mula sa Asset Managers para makakuha ng kabuuang 40 kills ang koponan kumpara sa 19 na nagawa ng Cocolife.
Nagtala rin ng 31 digs ang Foton kumpara sa 24 ng Cocolife.
Umangat sa 1-1 panalo-talo kartada ang Foton na tinisod ng Cignal sa opening day ng liga.
“Cocolife is a new team. They have good players, but we are more experienced,” sabi ni Foton head coach Moro Branislav, ang Serbian guru na ginabayan din ang Tornadoes sa Grand Prix title noong isang taon.
Bumagsak sa 0-2 ang Cocolife.
Samantala, pinangunahan ni Mika Reyes ang Petron sa panalo kontra Cignal, 18-25, 26-24, 14-25, 25-20, 15-12.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.