HINDI pa man nagbobotohan ay ramdam na ng marami na tapos na ang boksing sa Kamara kaugnay ng death penalty bill.
Alam ng lahat na pagbibigyan ng Kamara ang kahilingan ni Pangulong Duterte na ibalik ang parusang kamatayan kahit pa sabihin na “water down” ang bersyon na ipapasa nila dahil mga krimen na may kaugnayan lamang ipinagbabawal na gamot ang kasali.
Umikli nang umikli ang listahan at kahit na si Duterte ay nagtaka kung bakit nawala ang plunder at rape.
Pero tama naman si House Speaker Pantaleon Alvarez na pwede namang ihabol ang iba pang krimen. Pwede naman kasing amyendahan ang batas na kalimitan namang ginagawa ng Kongreso.
Pasado man sa Kamara, ang tanong ay kung magagawa ito sa Senado.
Kung sa Kamara ay hindi ininda ng mga maka-administrasyon ang suntok ng mga tutol, iba ang inaasahang kuwento sa Senado.
Mas konti sila roon at mas marami ang nagbabantay sa kanilang mga desisyon. Hindi gaya ng mga kongresista na ang mga distrito lamang ang binabantayan, ang mga senador buong bansa ang botante.
Kaya mahirap ang kalagayan ngayon ng mga senador lalo na yung mga tatakbo sa 2019 mid term elections.
Kapag mid term, pinaniniwalaan na malaki pa ang impluwensya ng Pangulo sa publiko. Bukod pa sa malakas na makinarya na mayroon ito at kailangan ng mga tumatakbo.
Kung makikiusap din ang isang popular na presidente sa mga lokal na pulitiko at publiko mas mataas ang tiyansa na pagbigyan siya ng mga ito.
Kaya kadalasan, ang karamihan ng mga nananalo kapag mid term ay manok ng administrasyon.
At para kunin ka ng administrasyon, dapat pagbigyan mo ang presidente, siyempre. Kumbaga give and take.
Pero sa isyu ng death penalty, huwag kakalimutan na nakabantay ang Simbahang Katolika at ang mga relihiyon na tutol sa parusang kamatayan.
Kung makukuha mo ang suporta ng Pangulo pero mawawala naman sa iyo ang simbahan baka mahirapan ka ring manalo kung ikaw ay nasa laylayan ng listahan.
Alam n’yo naman ang nasa 10-12 spot ng senatorial survey, hindi nakakatulog. Kung ikaw ang nasa sitwasyon nila ay baka tawagin mo lahat ng santo para manalo.
Ang mga may posisyon na dati laban sa death penalty ay mahihirapan na ring baguhin pa nag kanilang boto.
Lalabas kasi na na-pressure lamang sila ng Malacanang kaya bumoto pabor sa panukala.
Kung papasa man, hindi naman maaalis na may kukuwestyon dito sa Korte Suprema.
Kaya hindi pa rin matatapos ang laban ng Duterte government na maibalik ang parusang kamatayan.
At kung kakatigan man ng Korte Suprema, ang mga krimen na gagawin pa lamang kapag batas na ito ay yun pa lamang ang maaaring mahatulan ng kamatayan.
Kaya baka tama ang hinala ng marami, kung maibabalik man ang death penalty hindi ito maipatutupad sa termino ni Duterte.
At kung ang susunod na presidente ay tutol dito, malamang ay ipabasura niya ito kaagad sa Kongreso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.