Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. Barangay Ginebra vs San Miguel (Game 4)
Game 1: San Miguel 109, Ginebra 82
Game 2: Ginebra 124, San Miguel 118 (OT)
Game 3 : San Miguel 99, Ginebra 88
TIYAK na daragsain na naman ng libu-libong Barangay Ginebra die-hard fans ang Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ang kanilang misyon ay magbigay suporta sa Barangay Ginebra at masiguro na huwag itong mahulog sa 1-3 paghahabol sa 2017 PBA Philippine Cup Finals series kontra nagdedepensang kampeong San Miguel Beer.
Dinaig ng Beermen ang Gin Kings, 99-88, Miyerkules ng gabi para makuha ang 2-1 kalamangan sa kanilang best-of-seven series. At kapag nakaulit ang San Miguel mamaya ay maipapasok na nito ang isang paa sa kampeonato at lubhang mahihirapan, bagaman hindi imposible, ang Ginebra na makabawi.
Dikdikan ang labanan sa Game Three bago nagpakawala ang Beermen ng 17-2 rally sa huling limang minuto ng laro.
Nanalasa para sa Beermen nitong Miyerkules sina Chris Ross, Alex Cabagnot at three-time Most Valuable Player June Mar Fajardo.
Si Ross ay nagtapos na may game-high 24 puntos at walong assists. Nagdagdag naman ng 20 puntos at dalawang steals si Cabagnot habang si Fajardo ay may solid all-around game na 17 puntos, 16 rebounds, at tigatlong assists at shot blocks.
“[It was a] big factor that we were able to get the ball to June Mar and some of the key players from the perimeter were ready to take the shot. There were a lot of extra passes, and I think that’s the key to winning tonight,” sabi ni San Miguel coach Leo Austria patungkol kay Fajardo noong Miyerkules.
Sa Game Two, kung saan nagwagi ang Ginebra sa overtime, 124-118, ay nalimita ng Gin Kings si Fajardo sa 10 puntos lamang.
Kung nais ng Ginebra na maitabla ang serye ngayon ay kailangang mapigilan nito ang higanteng si Fajardo at pumutok ang mga shooters nito mula sa three-point area.
Nanguna para sa Ginebra sa Game Three ang point guard nitong si LA Tenorio na may 16 puntos bagaman apat na puntos lamang ang kanyang nagawa sa second half.
Bukod kay Tenorio ay aasa rin si Ginebra coach Tim Cone sa opensa nina Kevin Ferrer, Japeth Aguilar, Earl Scottie Thompson, Sol Mercado at ang wala pang kupas na si Mark Caguioa.
Makakatapat nila sa San Miguel side sina Fajardo, Cabagnot, Ross, Arwind Santos, Marcio Lassiter at ang beteranong si Ronald Tubid.
PHOTO: INQUIRER
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.