Limang kasapi ng Abu Sayyaf ang naiulat na napatay at 11 kawal ang nasugatan nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang bandidong grupo sa Sulu at Basilan Miyerkules, ayon sa militar Huwebes.
Naganap ang mga sagupaan habang hinahanap pa ng mga tropa ng pamahalaan ang mga labi ng pinugutang German hostage na si Juergen Kantner, pati na ang ibang kidnap victim na hawak pa ng Abu Sayyaf.
Nakasagupa ng mga miyembro ng Army 2nd Scout Ranger Battalion ang Abu Sayyaf sa Brgy. Bud Taran, Indanan, Sulu, dakong alas-5:15, sabi ni Capt. Jo-Ann Petinglay, tagapagsalita ng Armed Forces Western Mindanao Command.
“Heavy skirmishes ensued, resulting in the wounding of a soldier, while 10 other personnel incurred minor splinter injuries… Based on reports coming, the Abus suffered five killed and several wounded,” sabi ni Petinglay sa isang kalatas.
Nakasagupa ng mga kawal ang aabot sa 70 bandidong pinamunuan nina Abu Sayyaf sub-commanders “Abu Mike” at Alden Bagadi, sabi ni Col. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu.
Inisyal na nakumpirma ng mga kawal ang pagkamatay ng dalawang bandido sa 45-minutong bakbakan, sabi ni Sobejana sa mga reporter.
“Ito ‘yung grupo na responsible (sa pagpugot kay Kantner),” aniya pa.
Una dito, kinumpirma ng militar na pinugutan nga ng Abu Sayyaf si Kantner sa isang bahagi ng Indanan, at nagpaabot ng pakikiramay at humingi ng paumanhin sa pamilya ng German para sa kabiguang mabawi ang banyaga.
Inihayag din ng militar na hinahanap pa nito ang mga labi ni Kantner, na pinatay noong Linggo ng hapon matapos mapaso ang deadline para sa hininging P30-milyong ransom ng mga bandido.
Sinabi ni Armed Forces spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla nitong Miyerkules na di itinigil ang operasyon para mabawi ang mga hostage at masupil ang Abu Sayyaf, kaya may 15 sundalong napatay at mahigit 100 nasugatan sa pakikipagsagupa sa mga bandido mula pa noong Nobyembre.
Samantala, inulat ni Petinglay na nakasagupa rin ng mga kawal ang Abu Sayyaf sa isang lugar na puno ng bakawan sa Al Barka, Basilan, alas-6 ng gabi Miyerkules.
Inaalam pa ng mga kawal kung may mga nasawi’t nasugatan sa mga bandido, na umatras matapos ang 10-minutong sagupaan, aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending