NOONG Miyerkules sa press conference ng PBA Philippine Cup Finals na idinaos sa Sambokojin restaurant sa Eastwood ay maraming katanungan ang ibinato ng media sa mga manlalaro ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra.
Natural lang na isa sa mga katanungang ibinato, bagamat hindi na nga dapat itanong dahil hindi rin naman masasagot nang maayos ay “How long would the series last?”
Wala naman kasing makapagsasabi kung ilang games aabutin ang best-of-seven series na ito. Kung may makapagsasabi, aba’y malinaw na game-fixing iyon!
May isang kaibigan nga ako na taga-Iloilo na tumawag sa akin noong mismong Martes ng gabi matapos na talunin ng Barangay Ginebra ang Star Hotshots. Nagpapa-reserba na siya ng ticket at abonohan ko na lang daw muna. Babayaran niya kapag lumuwas siya sa araw mismo ng laro.
Okay lang naman sa akin na mag-abono ako. Ang problema lang ay ang larong gusto niyang panoorin.
“Puwede mo ba akong i-reserbe ng tatlong tickets para sa Game Six?”aniya.
“Brod, sigurado ka bang aabot sa Game Six?”
“Oo aabot. Mahabang series ‘yan. Walang makaka-sweep!”
Naniniwala naman ako na magiging mahaba ang serye at walang makakagawa ng 4-0 sweep sa Finals na ito.
Pero siyempre, hindi naman ganoon ang paggawa ng tickets kung ikaw ang nasa PBA. Hindi ka muna gagawa ng tickets para sa Game Six. O sa Game Five. Hihintayin mo muna ang kalalabasan ng mga unang laro. At best, ang mga tickets na gagawin ay mula Game One hanggang Game Four. Kasi ‘yun ang siguradong lalaruin.
Kapag nagtabla sila sa 1-all, at tsaka iimprentahin ang para sa Game Five. Kapag nagtabla sa
2-all, tsaka pa lang iimprentahin ang tickets para sa Game Six.
Sa ngayon, hindi sila mag-aaksaya ng tickets na iimprentahin dahil puwede namang hindi umabot sa Game 5, Game 6 o Game 7. Iyon ang realidad.
So, paano ko pagbibigyan ang kaibigan kong taga-Iloilo na magpareserba ng tatlong tickets para sa Game Six? Baka kapag sinabi ko iyon sa PBA ay makantiyawan lang ako at sabihing: Ang tagal-tagal mo nang sportswriter, maghahanap ka ng tickets sa Game Six. E hindi pa nga nagsisimula ang serye. Ano ka?”
Mayroon pang isang tumawag noong Huwebes na nagsabing baka puwedeng makahingi siya ng ticket kung mayroon ako. Kaklase ko raw siya sa Mapua. Magkatabi raw kami sa upuan. Sinabi niya ang apelyido niya ay nagsisimula sa letter B.
Àng sabi ko, paano tayo magiging magkatabi kung B ang apelyido mo at Pascua ang apelyido ko. Hindi naman Barry ang apelyido ko, e.”
Kahapon sa pagbukas ko ng Facebook ay may isang nagbalita na nandito raw ang tiyo niyang kaeskwela ko sa college na galing sa America pero nasa Cebu at sa Linggo pa babalik ng Manila. Puwede raw ba siyang makahingi ng ticket? E hindi ko naman siya kilala. Ni hindi pa nga nagpaparamdam ang tiyo niya sa akin kahit sa Facebook!
Hay naku! Ang hirap talaga kapag Ginebra ang pumasok sa Finals!
Siyanga pala, ang sagot ng Beermen at Gin Kings sa katanungan kung ilang games aabutin ang serye ay ito: “Hindi bababa sa apat at hindi lalampas sa pito!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.