2-1 bentahe sa semis nahablot ng TNT KaTropa
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. Barangay Ginebra vs Star
NAKUBRA ng TNT KaTropa Texters ang 2-1 series lead kontra San Miguel Beermen matapos itala ang 98-92 panalo sa Game 3 ng kanilang 2017 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Bumida para sa Tropang Texters sina Ranidel De Ocampo na kumamada ng 24 puntos, at Roger Pogoy na gumawa ng career-high 22 puntos.
Sina Jason Castro at Kelly Williams ay nag-ambag ng tig-11 puntos habang si Mo Tautuaa ay nagdagdag ng 10 puntos para sa TNT KaTropa.
Nanguna para sa Beermen sina Alex Cabagnot at Marcio Lassiter na may tig-18 puntos habang si June Mar Fajardo ay kumana ng 16 puntos. Nagdagdag naman sina Chris Ross at Arwind Santos ng tig-12 puntos.
Samantala, isasabak na ng Barangay Ginebra Gin Kings ang 6-foot-7 Fil-Am forward na si Joe Devance sa Game 3 ng kanilang semis series kontra Star Hotshots ngayong gabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Magsasagupa sa ikatlong pagkakataon ang Star, na bitbit ang 2-0 abante, at Barangay Ginebra ganap na alas-7 ng gabi.
Matatandaang hindi natapos ng 34-anyos na si Devance ang Game 1 ng kanilang quarterfinals series kontra Alaska Aces nang magtamo ng injury sa kaliwang paa.
Gayunman, nagwagi pa rin ang Gin Kings, 85-81, at kinumpleto nito ang pagwawalis sa Aces sa sunod nitong laban, 108-97, kahit wala si Devance.
“There’s a chance that Joe may finally play,” sabi ni Gin Kings coach Tim Cone matapos malasap ang 89-91 at 74-78 kabiguan habang pilit nitong paaabutin ang kanilang serye na umabot hanggang huling dalawang laro ng kanilang race-to-four-wins playoffs matchup kontra Star.
“His presence could help us,” sabi pa ni Cone patungkol kay Devance na nag-aaverage ng 12.3 points, 6.1 rebounds at 3.6 assists bago nasaktan. “Bottom line is that Star has beaten us down the stretch. In both games, they executed and got rebounds. We didn’t.”
Subalit desidido ang kanilang kalaban na hindi na sila bigyan ng anumang pagkakataon.
“2-0 is nothing kundi namin papalunin ‘yung Game Three. We need to win four, we need to prepare for game three,” sabi ni Star coach Chito Victolero.
“We know Ginebra will come back but we have to be ready for that,” sabi nito. “Ang respect natin para sa kanya (coach Tim) ay napakataas. You cannot outcoach coach Tim. It’s about our preparation and our team effort, the coaching staff, the management, the players to win.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.