Awa at konsiderasyon sa TNT at ilegal | Bandera

Awa at konsiderasyon sa TNT at ilegal

Susan K - February 10, 2017 - 12:10 AM

SERYOSO ang bagong administrasyon ng Amerika na pauuwiin sa kani-kanilang mga bansa ang sinumang mahuling ilegal na naninirahan sa kanilang bansa at walang tamang mga dokumento.

Ito nga ang kaagad na ginawa ni USA President Donald Trump matapos itong magpalabas ng Immigration Ban.

Inayudahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang aksyon ng Amerika laban sa mga ilegal. Wala ‘anya siyang magagawa kundi ang sabihan ang mga kababayan na sundin ang mga batas na ipinatutupad sa kanilang mga kinaroroonan.

Ngunit galit ang mga kababayan natin hindi lamang sa Amerika kundi maging saan mang panig ng mundo.

Bakit ‘anya tatawagin pa silang mga bagong bayani kung wala naman palang pakialam ang pangulo sa kanilang mga kapakanan.

Katwiran pa nila, dahil sa kanilang labis na pagmamahal sa pamilya ang siyang nagtulak sa kanilang manatili sa ibang bansa kahit ilegal pa upang makapagpadala ng malaking halaga ng salapi, pangtustos sa pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ang mga remittances o mga salaping ipinadadala o ipinapasok nila sa bansa ang kanilang malaking kontribusyon upang maging matatag ang ekonomiya ng Pilipinas.

Tama namang mga katwiran iyon. Pero hindi nito maitatama ang nandudumilat na katotohanan na hayagang pagsuway at hindi pagsunod sa batas ang pananatili ng ilegal sa kahit saang bansa man naroroon ang isang Pilipino.

Maging dito sa Pilipinas, mahigpit ding ipinatutupad ang batas na iyan. Kapag nahuli, pinagmumulta ang mga dayuhan ng malaking halaga depende pa kung gaano katagal silang nanatili rito. May katumbas ding pagkakulong at puwersahang pagpapaalis sa kanila sa pamamagitan ng prosesong deportation.

Iyan ang usaping wala tayong kalaban-laban. Paano nga naman natin ipaglalaban ang isang mali? Hindi kasi puwedeng awa o konsiderasyon ang katapat nang di pagsunod sa mga batas.

Puti o itim lamang iyan. Walang gray area. Kapag sumunod, abswelto, maalwan ang buhay, may kapayapaan ang isip.

Kapag hindi sumunod, may katapat na kaparusahan, maligalig ang buhay, walang kapayapaan ng isip.

Oo tanggap naman nating hindi talaga madali ang mag TNT o mag-ilegal sa ibayong dagat. Pero iyan ang gusto nila. Pinili nilang mag-ilegal kapalit nang malaking halagang ipapadala sa pamilya.

Sinasadyang hindi pagsunod iyon.

Rason pa ng ilan, kaya raw pinipili nilang mag-ilegal dahil walang trabaho sa Pilipinas.

Gutom lang ‘anya ang aabutin nila sa bansa.

Kung iyan ang magiging katwiran ng bawat Pilipino, disin sana’y lahat tayo, iniwan na ang bansang ito, nag-ilegal na rin sa abroad dahil mas malaki ang kikitain at mas malaki ang ipadadala sa ating mga mahal sa buhay.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending