Direk Cathy Garcia Molina: Wala akong kilalang lalaki na hindi nagloko, kahit ang mga ex ko!
NANAWAGAN muli ang box-office director na si Cathy Garcia-Molina sa mga namamahala sa produkto na ine-endorse ng mga artista na huwag silang pagbawalan sa dapat nilang gawin sa pag-atake nila ng kanilang karakter sa pelikula.
Kadalasan daw kasi ay nalalagay sa alanganin ang artista at nadadamay pati na ang credibility ng pelikula dahil sa restrictions nila on their endorsers.
Sa pagkakaunawa ni Direk Cathy na kaya kinukuha nilang endorser ang artista dahil naniniwala sila sa galing nito at alam nilang sikat. Meron din naman na kapag kinuha nila at napanood sa kanilang commercial ay sumisikat. But either way, mga artista sila, umaarte sa harap ng kamera.
“Ngayon gagawa sila ng pelikula pero bawal gamitin ang ibang produkto na kalaban nila. Naiintindihan ko naman ‘yun kaya nga nagpapalit kami ng pangalan. Gumagawa kami ng fake na pangalan para wala kaming kalbanin. Para hindi existing sa market. Pero bawal pa rin,” patanong na sabi niya ni Direk Cathy.
Sana naman daw ay isantabi muna ang mga bawal sa kanilang endorsers. Inilabas ni Direk Cathy ang kanyang saloobin sa entertainment writers sa presscon ng latest movie niya, ang “My Ex And Whys” starring Enrique Gil and Liza Soberano, dahil hindi raw niya alam kung saan niya maipararating ang kanyang mensahe sa mga kinauukulan.
Katulad sa “My Ex And Whys” blogger ang role ni Liza pero hindi raw makapasok sa coffee shop sa pelikula dahil may kapeng ini-endorse ang leading lady ni Enrique. “So, nahihirapan ako na sana maintindihan nila. Wala akong sinasabi, by all means kunin nila ‘yan. In fact, malaking tulong sila sa pelikula. Malaking tulong sila sa industriya. Kailangan magtulungan tayo.
“Ako rin hindi ko mailabas ang kailangan ng karakter ko kasi limitadung-limitado. Gusto mong igsian ang buhok bawal. Gusto mo’ng kulayan kasi kunyari rebelde ang role, bawal. E, saan naman tayo, ‘di ba?” sey ni direk.
Tungkol naman sa mensahe ng kwentong nakapaloob sa “My Ex And Whys,” hindi raw niya ginawa ang pelikulang ito para i-down ang mga lalaki, bagaman aminado naman siya na ilang ulit na rin siyang niloko at sinaktan ng kanyang mga minahal.
“Pero dumating na ako sabi ko talaga wala pa akong kilalang lalaki na hindi nagloko including my exs, my father, my brother my friends,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.