Dalawang bata ang nasawi at tatlo pa katao ang nasugatan nang sumabog ang improvised na bombang tinanim umano ng Abu Sayyaf sa Al-Barka, Basilan, Linggo, ayon sa militar.
Nasawi sina Niyadz Pising, 2, at Ombek Akbar, 5, sabi ni Lt. Col. Franco Raphael Alano, tagapagsalita ng Armed Forces Western Mindanao Command.
Sugatan naman sina Pahmiya Pising at Salmiya Akbar, kapwa 4-anyos, at Suraima Akbar, 25, sabi ni Alano sa ulat na nilabas Linggo ng gabi.
Naglalaro ang lima sa labas ng bahay sa Brgy. Danapah dakong alas-11 nang masabugan ng improvised explosive device, aniya.
Tinanim ang IED sa isang daan na madalas tahakin ng mga residente.
Pinaniniwalaan na tinanim ng mga tagasunod ni Abu Sayyaf sub-commander Furuji Indama ang bomba para manakot ng mga residente, lalo na yaong mga di nakikisimpatiya sa kanilang grupo, ani Alano.
Noong Disyembre 2, dalawang bata rin ang nasawi at dalawa pa ang nasugatan nang masabugan din ng IED sa Brgy. Bohe Piyang, doon din sa Al-Barka.
Aksidenteng na-trigger ng mga biktima sa naturang insidente ang IED na tinanim din ng Abu Sayyaf sa isang daan, ani Alano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending