Malabo umanong ma-impeach si Ombudsman Conchita Carpio Morales ngayon.
Ito ang sinabi ni House committee on Metro Manila Development chairman Winston Castelo kaugnay ng balita na mayroon ng 20 kongresista na handang mag-endorso sa impeachment complaint laban kay Morales.
Sinabi ni Castelo na hindi siya sasama sa mga mageendorso sa reklamo.
“Hindi pa ako nakikita ang complaint… Kasi kailangan may complaint muna eh, then there should be a congressman who would endorse yong impeachment complaint na yan.
Hindi ko alam na merong complaint. Pangalawa, hindi ako kasama don sa 20 na mag-e-endorse. Pangatlo, i do not believe also that there is merit don sa complaint na yan,” ani Castelo.
Naniniwala si Castelo na nagagawa ni Morales ang kanyang trabaho.
“Siya po ay multi awardee na. Yong kanyang tapang, yong kanyang gilas ay kahanga-hanga din. We should also support the action and initiative of the Ombudsman.”
Kung maihahain ang reklamo naniniwala si Castelo na hindi ito maipapasa. “Tama ka, nothing will happen there. It will die a natural death. It will not prosper at this point.”
Samantala, sinabi naman ni Laguna Rep. Sol Aragones na walang lumapit sa kanya upang mag-endorso ng reklamo laban kay Morales.
“Wala po. Wala pong lumalapit sa akin at hindi ko pa po naririnig ang isyung ito sa Kamara,” ani Aragones sa panayam sa radyo.
Ayon sa ulat, inihahanda ng Volunteers Against Crime and Corruption ang reklamo laban kay Morales at ieendorso ito ng may 20 kongresista.
Kailangan ng one-third ng 293 kongresista upang maiakyat ang reklamo sa Senado na siyang magsasagawa ng impeachment trial.
Ang pinalitan ni Morales na si Merceditas Gutierrez ay na-impeach.
Ang reklamong isasampa laban kay Morales ay kaugnay ng mabagal umanong pag-usad ng kaso ng Mamasapano incident kung saan 44 miyembro ng Special Action Force ang nasawi.
30
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.