Unang gabi ng lamay ni Donna Villa ‘blockbuster’
KUNG terminong showbiz ang gagamitin sa unang gabi ng lamay ni Tita Donna Villa ay walang kokontra sa salitang box-office. Blockbuster.
Mula sa bukana ng ikalawang palapag ng Cosmopolitan Chapels And Crematory ay sunud-sunod na nakaayos ang magagandang bulaklak na padala bilang pakikisimpatya ng kanilang mga kaibigan, katrabaho, kapamilya at ng mga kilalang pulitiko.
Malaki ang ipinangayayat ni Tita Donna, halatadong matindi ang kanyang pinagdaanan, pero sa kabila nu’n ay hindi pa rin nagpatalo ang kanyang kagandahan.
Si Direk Carlo J. Caparas ang nakakuwentuhan namin, hindi niya inasahan kailanman na mawawala ang babaeng nakasama niya nang dalawampu’t siyam na taon, ang nagbigay sa kanya ng matatalinong anak na sina CJ at Peach.
“Kung ano ang pinagdaanan niya, ‘yun din ang pinagdaanan ko. Hindi ako umaalis sa tabi niya nu’ng naka-confine siya, idlip lang ang nagagawa ko, walang kumpletong tulog,” kuwento ng nangayayat ding direktor.
Hindi natuloy ang cremation ng mga labi ni Tita Donna Villa nu’ng nakaraang Miyerkules, iuuwi ang kanyang mga abo bukas sa Cebu City, kung natuloy ang cremation kahapon.
Sabi ni CJ, “Sabi ko nga, e, huwag na sana siyang ipa-cremate. Maganda naman po si Mama, parang dati pa rin ang itsura niya.”
Sa muli, ang taos-puso po naming pakikiramay sa lahat ng mga iniwan ni Tita Donna Villa, mananatili siyang buhay sa alaala ng mga nagmamahal sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.