Siyam ang naitalang nasawi sa Zamboanga del Norte, tig-tatlo sa Cagayan de Oro City at Gingoog City ng Misamis Oriental, at tig-iisa sa Cebu, Bukidnon, at Misamis Occidental, sabi ni Romina Marasigan, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Bukod sa mga nasawi, mayroon pang dalawang tao na naiulat na nawawala sa Cebu, dalawa sa Zamboanga del Norte, at isa sa Misamis Occidental, sabi ni Marasigan sa mga reporter.
Sa inisyal pagtatanung-tanong ng NDRRMC, lumalabas na “nabigla” na lang ang mga tao sa Visayas at Mindanao dahil di nila inaasahan ang ganoong kalakas na pag-ulan kahit pa nabigyan ng babala, ani Marasigan.
Pinagsamang epekto ng tail-end of the cold front at low pressure area ang naranasan sa mga binahang bahagi ng Visayas at Mindanao, aniya.
“Bagamat mayroon tayong tools o technology na ginamit… isang challenge ngayon ay ‘yung interpretasyon ng ating mga kababayan, maaring hindi naging alarming sa kanila dahil kadalasan naman tayong nagkakaroon ng pagbabalita na mayroon namang tailend of the cold front, mayroong low pressure area,” sabi pa ni Marasigan.
Bukod dito, sinisilip ng NDRRMC ang posibilidad na hindi gaanong naihanda ng mga pamahalaang lokal ang mga daluyan ng tubig sa kani-kanilang lugar para sa ganoong kalakas na pag-ulan, aniya.
Naniniwala si Marasigan na dapat pang palakasin ang mensahe ng babala tungkol sa mga parating na sama ng panahon para mas mapag-ibayo pa ng mga lokal na pamahalaan at mga residente ang paghahanda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.