Donna Villa inilihim ang pagkakaroon ng lung cancer
SINUSULAT namin ang kolum na ito na kakambal ang sobrang lungkot dahil sa pagpanaw ng isang taong mahal na mahal ng mundo ng showbiz. Naging malaking bahagi siya ng aming buhay at panulat, si Tita Donna Villa, dahil sa lung cancer.
Totoo na pala ang balitang nakarating sa amin nu’ng Martes nang hapon habang nagraradyo kami, pero tumututol pa rin ang aming kalooban, hindi namin matanggap na wala na pala si Tita Donna.
Nabigla ang lahat dahil itinago niya ang kanyang sitwasyon, unang linggo pa lang pala ng Disyembre ay nakaospital na siya, pero ayaw niyang ipasabi ‘yun.
Ang lagi niyang sinasabi sa kanyang pinagkakatiwalaang empleyado-kaibigan na si Tita Nene Mercado, “Kapag may mga nagtatanong sa iyo kung nasaan ako, pakisabi, nasa malayong lugar ako kasama ang pamilya ko.”
Hindi pa rin nakalimot si Tita Donna sa kanyang mga kaibigan nu’ng nakaraang Pasko, ang nakagawian na niyang pag-alala nang maraming taon ay hindi nagbago, samantalang hindi na pala maganda ang kanyang pakiramdam.
Nag-Pasko at nag-Bagong Taon na sila nina Direk Carlo J. Caparas at ng kanilang mga anak na sina CJ at Peach sa ospital. Pabagu-bago ang kanyang kundisyon, minsang maayos at hindi, hanggang sa nitong mga huling araw ay hindi na siya nakapagsasalita.
Martes nang hapon, kumpirmado na ang balita, pumanaw na ang mahal na mahal na personalidad ng mundo ng pelikula at telebisyon sa edad na singkuwenta’y siyete dahil sa lung cancer.
Ang taos-puso po naming pakikiramay sa lahat ng mga iniwan ni Tita Donna Villa, ng mahal na mahal naming prodyuser, kaibigan at lahat-lahat na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.