TOTOO naman na ang Pilipina kahit saan man mapadpad na bahagi ng mundo ay palaging nakikita ang kagandahan.
Hindi lamang ang panlabas nilang kaanyuan kundi maging ang tunay na kagandahan ng puso at buong pagkatao.
Pinili ng marami nating mga kababaihan ang mangibang-bayan, mag-alaga ng anak ng iba, maglingkod sa iba’t ibang mga lahi dahil sa kanilang labis na pagmamahal sa kanilang pamilya. Iyan ang pangunahing dahilan ng kanilang pag-aabroad—ang kanilang pamilya.
Kaya naman sa mata ng kanilang mga mahal sa buhay, sila ang kanilang tunay na beauty queen.
Bahagi na sa kultura ng Pinay ang pagsali sa mga beauty pageant. At talaga namang itinatatanghal sa buong mundo ang gandang Pinay.
Nananalo at kinikilala sila sa iba’t ibang mga kategorya nang pakontes sa buong daigdig.
Pero hindi rin pahuhuli diyan ang ating mga OFW.
Para sa kanila, ang mga beauty pageant ay nagbibigay nang kakaibang pakiramdam sa kanila, kakaibang kumpiyansa at bilib sa sarili.
Nakakalimutan nilang nagkukudkod sila buong linggo, dahil reyna naman sila kapag weekend at kapag rumarampa na sa mga entablado.
Kamakailan lamang, napag-uusapan sa Hong Kong ang pagpapatigil sa beauty pageant sa ating mga Pinay OFW doon. Ayon sa panayam ng Bantay OCW kay Labor Attache’ Jolly dela Torre ng Hong Kong, sinabi niyang nagagamit lamang umano ang mga kababaihan sa money-making activities ng ilang mga Filipino organization doon, at may mangilan-ngilan lamang na nakikinabang dito. At iisa ang tiyak, hindi ang ating mga OFW.
Ngunit higit sa lahat, dagdag pa ni dela Torre, nababaon sa utang ang ating mga OFW dahil magastos ang pagsali sa mga kontes. Kailangan ng samu’t saring mga damit, lalo ang mga gown na hindi rin naman biro ang mga presyo.
Kinatigan din ito ng ilang mga samahan ng ating mga kababayan doon. Aminado sila na maaaring napagsasamantalahan lamang ang ating mga Pinay gamit ang naturang pakontes.
Ngunit nitong Disyembre 2016, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Metro Manila Film Festival, nagwagi ang documentary film na “Sunday Beauty Queen” na idinirek ni Baby Ruth Villanueva.
Best Picture, Best Editing at Children’s Choice award ang naturang pelikula ng ating mga OFW.
Sa panayam ng Bantay OCW, sinabi ni Direk Villanueva na isang OFW din ang kanyang ina at sa pamamagitan ng naturang pelikula ay binigyang pugay niya ang pagsasakripisyo ng ating mga OFW sa mga paghihirap at pagdurusa sa kanilang pangingibang- bayan.
Nais din niyang alisin sa isipan ng publiko na “boring” o walang kabuhay-buhay ang ating mga OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. May audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.