Martial law di na kailangan, dahil humina na ang droga
PINALAKI na naman ng media ang sinabi ni Pangulong Digong na ibababa niya ang batas militar kapag ang problema ay na-ging “very virulent.”
Sinasabi sa mga ulat na malapit nang ipairal ni Digong ang martial law.
Dapat ay ipagdiinan ang “very virulent.”
Ano ang definition ng virulent?
Ayon sa Merriam Webster Dictionary, ang virulent ay “extremely dangerous and deadly and usually spreading very quickly.”
Sa pagiging “extremely dangerous and deadly” para sa mga gumagamit ng droga, napunta na ito sa mga drug pushers, dealers at drug lords dahil sila’y sinasalvage na ngayon.
Sa pagiging “spreading very quickly” ang illegal drug trade ay humina na ang pagkalat o paglaganap dahil marami nang mga drug personalities na RIP o rest in peace.
Ang presyo ngayon ng shabu sa kalye ay hindi na maabot ng pangkaraniwang addict, kung meron man, dahil in short supply na ito.
Di kailangan ni Digong na magdeklara ng martial law dahil humina na ang pagkalat ng droga.
Nakipagbolahan lang si Mr. Duterte sa mga reporters nang sabihin niya na baka ideklara niya ang martial law dahil walang dahilan na gawin niya ito.
qqq
Karamihan sa mga napatay sa kampanya laban sa droga ay mga kawatan, holdaper, rapist at guns-for-hire na gumawa ng krimen upang suportahan ang kanilang bisyo o nasa impluwensiya ng bawal na gamot.
Alam ng kapulisan kung sino ang mga ito kaya’t sila’y tinepok sa “shootout.”
Ang mga tinatawag na vigilantes ay mga pulis din pero ayaw nilang makilala.
Maraming mamamayan ang magsasabi sa inyo na menos na ang mga holdap sa mga bus at jeepney at malaking bawas ang insidente ng snatching ng cellphone sa kalye.
Sa bansa gaya ng Pili-pinas, kung saan ang judicial system ay lubhang inefficient, ang unorthodox na paraan sa pagsugpo ng krimen is the best and only way.
qqq
Hindi malulutas ang problema sa droga kapag ang mga governors, mayors, barangay captains at ang kapulisan ay kakutsaba ng mga drug lords o mismo sila ang drug lords.
Kaya’t binalaan ni Digong ang mga alkalde sa miting sa Malakanyang na tetepokin ang ilan sa kanila kapag nagpatuloy sa kanilang masamang gawain.
But this time hindi nakipagbolahan si Digong sa mga mayors.
Ang drug trafficking ay hindi aabot sa crisis situation kung ang mga lokal na opisyal at mga pulis ay hindi sangkot.
Halimbawa, ang governor ng Catanduanes at ang mayor ng capital town nito, Virac, ay hindi lang mga “bulag” sila na mismo ang kasama sa paggawa at pagkalat ng droga sa Bicol region.
Kung ang ebidensiya laban sa kanila ay malakas—gaya nang sinasabi ng National Bureau of Investigation (NBI)—bakit hindi sila ang sampolan?
Ang pagsalvage sa kanila—gaya nang ginawa kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa—ay nagpapakita na walang sinasanto sa kampanya laban sa droga.
qqq
Sinabi ko na lubhang inefficent ang ating mga korte at paninindigan ko ang sinabi sa item na ito.
Si Torgeir “Thorn” Hoverstad, isang Norwegian photographer at film maker, ay sinampahan ng magkaparehong kaso na child pornography sa Balanga, Bataan Regional Trial Court at sa Olongapo City Regional Trial Court.
Please take note, dear readers na parehong kaso pero magkaibang korte.
Dapat sana ay ibinasura ng isa sa mga korte ang parehong kaso.
Pinawalang-sala si Hoverstad ng Balanga RTC sa kasong child pornography matapos tumestigo ang dalawang batang babae, na supposedly sila ang biktima, na gawa-gawa lang ang kaso sa Norwegian.
But the same court convicted Hoverstad of publication and distribution of obscene materials samantalang hindi naman siya nasampahan ng ganoong kaso.
Nang ni-raid ng mga pulis ang apartelle unit ni Hoverstad sa loob ng Subic Bay Freeport, natagpuan nila ang mga albums ng mga larawan nang nakahubad na mga babaeng na nasa hustong gulang na.
Ang mga babae na nasa litrato ay hindi mga Pinay kundi mga Indonesian at Thai na ginawa ng mga pulis na ebidensiya.
Sabi ni Hoverstad, ang mga litrato sa album ay kinuha niya maraming taon na ang nakararaan nang siya’y nasa Indonesia at Thailand.
Ang mga litrato ay para lang sa kanya bilang isang professional photographer at hindi for publication at distribution.
Ang pagkakuha ng mga litrato ay ilegal dahil hindi nakalagay sa search warrant ng mga pulis na nag-raid.
Hindi malaman ang dahilan kung bakit hinatulan si Hoverstad ni Bataan RTC Judge Marion Jacqueline Poblete sa kasong hindi naman isinampa sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.