WALA pang isang taon ang administrasyon ay magpapatupad na ng pagtataas ng kontribusyon sa buwanang inihuhulog ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) na para sa mga ordinaryong mamamayan ay hindi katanggap-tanggap dahil mangangahulugan ito ng kabawasan pa sa kakarampot na natitirang naiuuwi nila sa kanilang sweldo.
Inihayag nitong linggo ng Malacañang at ng pamunuan ng SSS na tutuparin na ang bahagi ng P2,000 dagdag sa pension hike matapos namang mabatikos ang administrasyon sa pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na iba ang noo’y kandidato pa lamang sa ngayon ay Pangulong Rodrigo Duterte matapos namang ipangako noong kampanya ang P2,000 SSS pension hike para sa mga retirado.
Sinabi ng Malacañang at ng SSS na inaprubahan na ni Duterte ang P1,000 pension hike ngunit kalakip nito ang anunsiyo na sisimulan na rin simula sa Mayo, 2017 ang 1.5% dagdag sa kontribusyon ng mga SSS members.
Bagamat natuwa ang mga retirado sa P1,000 pension hike, malungkot na balita naman ito para sa mga SSS members.
Mangangahulugan kasi ito ng P15 hanggang P750 karagdagang kaltas para sa bawat pribadong empleyado depende kung saan ka pasok na salary bracket.
Ang hindi pa maganda rito, ito ay biglaang pagtataas na hindi dumaan sa nakagawiang konsultasyon sa mga miyembro.
Inisip ng administrasyon ang epekto ng mapapakong pangako noong panahon ng halalan ngunit hindi naman isinaalang-alang na mas maraming maaapektuhan sa SSS premium hike.
Umaasa ba ang administrasyon sa popularidad ng pangulo kaya dedma na lang sa mga batikos?
Nasaan na rin ang mga maiingay na makakaliwang militanteng grupo na dati-rati ay laging nasa kalye para tutulan ang mga sinasabing hindi makatwirang pagtataas kagaya ng SSS premium hike?
Bukod sa 1.5% SSS premium hike na nagbabantang ipatupad kada taon, nakaamba rin ang mga panibagong buwis na isinusulong ng economic managers ng pamahalaan.
Kung hindi rin maitutupad ang mga ipinapangako kapag halalan, wala sigurong silbi pa ang isinulong ng Comelec na debate na naging daan pa ng pagkapanalo ng mga kandidato dahil sa magagandang plataporma.
Hindi ba’t pati ang pangakong na wawakasan na ang contratualization sa bansa ay pangakong napako na rin dahil sa pagkambiyo ng administrasyon.
Sa bibig na rin mismo ni Diokno nanggaling na iba kapag kandidato pa lamang at iba kung nakaupo ka na sa kapangyarihan. Kilala si Diokno na laging laman ng panayam noon dahil laging bumabatikos sa nakaraang administrasyon dahil sa mga programang ipinatupad.
At ngayong nakaupo na ay iba na ang litanya.
Wag naman sanang puro pahirap sa mga ordinaryong mamamayan ang isulong ng economic managers ng administrasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.