Congressman magagaya kaya kina Bong at Jinggoy?
INAABANGAN ng lahat kung ano ang kahihinatnan ng away ng negosyanteng si Reghis Romero II at anak niyang si 1-Pacman Rep. Mikee Romero.
Naglabas ng warrant of arrest ang Manila Court laban kay Rep. Romero, ang ikalawang nominee ng kanyang partylist group.
Ang balita, hindi lang basta warrant of arrest ang inilabas ng korte dahil non-bailable ang ipinataw nito sa kasong qualified theft.
Dahil walang piyansa, marami ang nagtatanong kung magagaya ba si Mikee Romero kina Bong Revilla at Jinggoy Estrada na nakulong noong sila ay mga senador pa, at hanggang ngayon ay nakakulong pa rin.
Nakatanaw din ang marami kung anong aksyon ang gagawin ng Kamara sa kasong ito ng kanilang miyembro.
Kung meron man, ipagtatanggol ba nito at hindi hahayaan na makulong si Mikee o kung hahayaan nila na makulong ang kongresista bilang pagsunod sa utos ng korte?
Bukod pala sa kaso sa Manila Regional Trial Court ay may kaso rin pala si Mikee sa Quezon City Regional Trial Court sa sala ni Judge Edgar Santos ng Branch 222.
May inilabas na desisyon ang QCRTC at pinatitigil nito si Mikee sa pag-angkin sa Harbour Centre Port Terminal Inc., na pagmamay-ari ng kanyang pamilya.
Sabi sa desisyon ay bawal ng gamitin ng nakababatang Romero, kanyang mga agent at empleyado na gumawa ng hakbang o anumang aksyon na kumakatawan sa HCPTI bilang shareholder man o miyembro ng Board of Director ng Manila North Harbor Port Inc.
Mayroon kasing duda kung totoo o hindi ang Deeds of Assignments na ginamit ng nakababatang Romero noong 2011 upang masabi na siya ang nagmamay-ari ng majority stock ng Harbour terminal.
Bago lumabas ang Deeds of Assignment ang may-ari ng Harbour ay ang R-II Builders Inc. at R-II Holdings Inc., na pagmamay-ari ng nakatatandang Romero.
At hindi lamang ang pamilya Romero ang apektado sa desisyon at nadamay ang San Miguel Corp., ng negosyanteng si Ramon Ang.
Ang SMC na kasi ang may-ari ngayon ng 78.33 porsiyento ng MNHPI.
Noong una ang 75 porsiyento ng MNHPI ay pagmamay-ari ng HCPTI at ang SMC ay mayroon lamang 35 porsiyento.
Bumili nang dagdag na 43.44 porsiyentong share ang SMC kaya sila ay naging majority owner ng port.
Tatahi-tahimik itong si House Speaker Pantaleon Alvarez. Ang naririnig natin sa kanya ay mga komento o reaksyon para sa pagbabalik ng death penalty bilang bahagi ng kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot.
Ang naririnig natin ay ang paggamit ng kamay na bakal laban sa mga adik at pusher. Ang tono ay parang si Pangulong Duterte.
Behind the scene, pumunta pa itong si Alvarez sa isang foundation— Tuloy Foundation— na tumutulong sa mga ulila na pinatatakbo ng pari na si Fr. Marciano ‘Rocky’ Evangelista ng Salesians of Don Bosco sa Alabang, Muntinlupa.
Nangako si Alvarez na tutulungan ang foundation para dumami ang mga kabataang naliligaw na makapagbago at hindi maging sakit ng ulo ng lipunan.
Isang grupo ng mga kabataan sa foundation ang pupunta sa Switzerland para lumahok sa isang ballet competition.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.