Pulse Asia, SWS survey nanguna pa rin si Digong
NAGSALITA na muli ang taumbayan.
Sa kabila ng mga isyung kinakaharap ni Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang na ang extrajudicial killings o EJK, ang kontrobersiyal na Marcos burial, ang pagbibitiw ni Vice President Leni Robredo bilang housing czar at ang pagpatay kay dating Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa, Sr, suportado pa rin si Digong ng mas nakakaraming Pinoy,
Base sa magkasunod na resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia, nakakuha pa rin si Duterte ng excellent rating.
Sa survey ng Pulse Asia sa huling bahagi ng 2016, na isinagawa noong Disyembre 6-11, nakakuha si Duterte ng 83 porsyentong approval rating at limang porsyentong disapproval rating.
Ayon mismo sa Pulse Asia, nananatili ang pagkilala ng mas maraming Filipino sa mga nagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nakalipas na anim na buwan.
Matatandaan na sa huling bahagi ng 2016, unang pumutok na kontrobersiya ang paglilibing kay dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani na naging dahilan pa ng sunud-sunod na kilos protesta.
Sinundan ito ng pagre-resign ni Robredo bilang miyembro ng Gabinete ni Duterte matapos siyang atasan na wag nang dumalo sa mga pagpupulong sa Malacañang.
Kabilang din sa mga isyung pumutok bago ang isinagawang survey ay ang imbestigasyon ng Senado at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagpatay kay Espinosa.
Binatikos rin ang administrasyon ni Pangulong Duterte sa mga nangyayaring EJK sa bansa, ngunit nanindigan naman si Digong na walang kinalaman ang gobyerno sa nangyayaring extrajudicial killings sa bansa.
Iginiit ni Duterte na hindi niya ito kinukunsinti.
Nakaladkad din ang pangalan ni Pangulong Duterte sa isyu matapos namang aminin na siya ang nag-utos kay Philippine National Police (PNP) Chief Ronald “Bato” dela Rosa na ibalik sa kanyang puwesto si dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 chief Superintendent Marvin Marcos, na siyang nanguna sa operasyon, na nagresulta sa pagpatay kay Espinosa.
Kinalaunan, sinabi ng NBI na murder ang nangyaring pagpatay kay Espinosa at sinampahan si Marcos at iba pang sangkot sa nangyaring operasyon.
Umalma rin ang mga human rights groups sa posibilidad na magdedeklara si Duterte ng martial law, bagamat itinanggi naman ito ng pangulo.
Kagaya ng Pulse Asia, nakakuha rin si Duterte ng excellent rating sa survey ng SWS sa huling bahagi ng 2016.
Nangangahulugan ito na sa kabila ng mga batikos laban kay Duterte, pabor ang taumbayan sa mga programang kanyang ipinatupad gaya ng kampanya laban sa droga, korupsyon, at paninindigan sa Marcos burial.
Suportado rin siya ng mga lokal na pamahalaan, gaya ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.