Lyceum Lady Pirates, Arellano Lady Chiefs nakisalo sa No. 2 spot
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
8:30 a.m. CSB vs SBC (juniors)
10 a.m. CSB vs SBC (men’s)
11:30 a.m. CSB vs SBC (women’s)
1 p.m. MIT vs CSJL (women’s)
2:30 p.m. MIT vs CSJL (men’s)
BINALEWALA ng Lyceum of the Philippines University ang mahabang bakasyon sa pagbigo nito sa Emilio Aguinaldo College sa loob ng tatlong set, 25-20, 25-23, 25-20, habang ginapi ng Arellano University ang Jose Rizal University, 26-28, 25-6, 25-15, 25-20, Miyerkules upang makisalo sa ikalawang puwesto kasama ang reigning titlist College of St. Benilde sa NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Nahirapan ipamalas ni team captain Cherilyn Jhane Sindayen ang kanyang laro bagaman nakapagtala pa rin ng 12 puntos habang sina Christine Mirales, Czarina Pauline Orros at La Rainne Fabay ay nag-ambag ng 12, 12 at 10 hits, upang tulungan ang Lady Pirates na masungkit ang ikalima nitong panalo sa anim na laro.
Idinahilan ni LPU coach Emil Lontoc ang paninibago ng koponan dahil sa hindi ito pamilyar sa pinaglaruang court.
“Siguro nanibago ang mga players ko dahil hindi kami nakakapaglaro sa lugar na ito maski isang beses,” sabi ni Lontoc. “Kaya plano ko na magsagawa rito ng mas maraming praktis.”
Asam ng LPU na makatuntong sa unang pagkakataon sa Final Four bagaman kailangan nitong lampasan ang University of Perpetual Help sa Enero 13, Arellano sa Enero 18 at San Sebastian College sa Enero 23 na lahat ay pawang Final Four contenders para makamit ang misyon.
Nalaglag naman ang Lady Generals sa 0-7 karta.
Pinangunahan ni Jovielyn Prado ang Lady Chiefs sa itinalang 18 puntos habang sina Rialen Sante, Mary Anne Esguerra at Regine Anne Arocha ay nagdagdag ng 15, 13 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sa juniors division, binigo rin ng LPU ang EAC, 25-19, 25-23, 22-25, 25-22, upang manatiling tanging koponan na walang bahid ng kabiguan sa apat nitong sunod na panalo. Nalaglag ang Brigadiers sa 5-1.
Sa men’s play ay tinalo rin ng LPU ang EAC, 25-27, 25-20, 25-18, upang manatili sa Final Four sa 3-3 record. Ang Generals ay nahulog sa 0-7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.