Repatriation, kaso ng droga, isyu pa rin ng OFWs
NITONG 2016, libu-libong OFWs ang stranded sa Saudi Arabia bunga na rin ng Saudization, ang programang ipinatupad ng Saudi government upang unahin munang mabigyan ng trabaho ang mga Saudi national bago ibang lahi.
Nakasama rin dito ang pagbaba ng presyo ng langis sa world market at nawalan ng trabaho ang maraming OFWs doon.
Mabilis namang nakapagpadala ng pinansiyal na ayuda ang Duterte administration at binigyan ng tig-P20,000 ang bawat stranded OFW mula sa siyam na kumpanya sa Saudi at P6,000 naman para sa pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang pagpapauwi o repatriation, samantalang pinili ng iba na manatili na lamang sa Saudi at maghanap ng trabaho roon.
Sa mga kasong kinaharap ng ating mga OFW nitong 2016, isyu pa rin ng droga ang pangunahing nagsasangkot sa kanila. Gayong ang iba’y hindi naman lehitimong mga OFW kundi nagpanggap na mga turista lamang, nakasama na sila ngayon sa hanay ng 40 katao sa death row dahil sa drug related cases, ayon na rin sa Department of Foreign Affairs.
At nakakita pa nga ng bagong modus operandi ang mga sindikatong ito. Tulad na lamang sa Hongkong, nakikipag-kaibigan sila sa pamamagitan ng online sa ating mga Pinay doon hanggang sa maging magkasintahan na sila.
At kapag “sila na”, kukunin nila ang address ng Pinay sa HK at magpapadala ‘anya sila ng package sa girlfriend.
Palibhasa’y dumadaan sa postal office ng HK ang mga package na iyon kung kaya’t naalarma ang kanilang awtoridad. Nakipagtulungan din ang kanilang mga employer at sila na ang nagre-report hinggil sa dumarating na package.
Sa pamamagitan ng entrapment operation at mismong HK police na ang nagdeliver ng package sa Pinay kung kaya’t nahuli itong pinagpapadalhan nga ng droga ng kaniyang boyfriend diumano. Sa kasalukuyan, dinirinig ang kanilang kaso sa korte ng Hongkong.
Bukod sa droga, marami rin ang nakasuhang OFW dahil sa pagnanakaw sa kanilang mga amo. Gayong umamin sila sa naturang krimen, palusot pa nila na kailangan ‘anya kasing makapagdagdag sila sa ipinapadalang pera sa Pilipinas.
Tiyak na hindi alam ito ng kanilang mga kamag-anak. Marahil matagal nang pinagnanakawan ng OFW ang kaniyang amo at nang mahuli lamang, saka umamin.
Madalas kasing mga kaanak din nila ang siyang nagtutulak sa OFW na gumawa ng masama. Dahil panay ang hingi at maghintay sa perang padala sa kanila.
Ang nakalulungkot naman kasi, “feeling hero” talaga ang OFW o sadyang nagpapaka-bayani din.
Gagawin ang lahat kahit ilegal, mapagbigyan lang ang bawat hingin at hiling ng mga ito, gayong kadalasa’y kapritso na lamang iyon.
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. May live streaming: www.ustream tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.