Russel ng Boyband PH malakas ang sex appeal; Ford pinakamagaling kumanta
NAPANOOD namin ang Pinoy Boyband Superstar The Grand Reveal noong Linggo na ginanap sa parking lot ng ABS-CBN Main Building.
Nabingi-bingi kami sa mga padyak at hiyawan ng mga taong sumusuporta sa programa na may kanya-kanyang hawak na streamer na nakatayo sa harap ng stage habang nasa likod naman ang iba pa.
Nauna nang pinangalanan si Neil Murillo noong Sabado bilang unang winner ng Pinoy Boyband Superstar na nag-uwi ng P1 milyong cash, Yahama motorcycle at kontrata sa Star Music.
Sina Russel Reyes, Ford Valencia, Tristan Ramirez at Joao Constancia naman ang iba pang nagwagi (in-announce noong Linggo) na tulad ni Neil ay tumanggap din ng tig-isang milyong pisong cash, Yamaha motorcycle at kontrata sa Star Music. Ang grupo nila ay tinawag na Boyband PH.
Hindi nakapasok ang isa sa gusto naming si Tony Labruska dahil hindi masyadong maganda ang performance niya noong gabi. Wala raw buhay ang pagkakakanta ni Tony ng awitin ni Erik Santos na “Kulang Ako Kung Wala Ka” ayon mismo sa mga huradong sina Vice Ganda, Sandara Park, Yeng Constantino at Aga Muhlach.
Unang nagpakitang-gilas si Joao na kumanta ng “Twerk It Like Miley” na hindi man ganu’n kaganda ang boses ay idinaan naman niya sa sayaw kaya puring-puri pa rin siya ng mga hurado.
Para sa amin ay si Ford ang may pinakamalinaw na vocals dahil talagang naintindihan namin ang lyrics ng kinanta niyang “Without You.” Nadaan din ni Tristan sa galing niya sa paghataw on stage ang kanyang performance with the song “Can’t Stop The Feeling” kaya napuri siya ng mga hurado dahil nag-improve na raw siya.
Halatang hinusayan naman ni Mark ang pagkanta niya ng “Mangarap Ka” na napuri din ng mga hurado kaya lang mukhang kulang ang effort niya dahil siya ang may pinakamababang score sa lahat.
Napahanga at napatayo ni Russel sina Vice, Sandara, Yeng at Aga nang ibirit niya ang “All I Ask” ni Adelle maski kinakain ang letra ng kanta. Hindi kasi namin maintindihan ang lyrics, tanging ang “last night lang” na paulit-ulit niyang sinasabi ang na-gets namin. Pero winner pa rin siya dahil in fairness, ang lakas ng dating niya sa tao.
Gandang-ganda kami sa binuong stage para sa PBS Grand Reveal dahil hi-tech ang mga ilaw na pawang led kaya ang tanong kaagad namin sa taga-produksyon ay nakamagkano sila sa venue?
Ang mahal din ng apat na minutong fireworks at apat na bugang confetti (ang alam namin ay P10,000 bawa’t buga) habang kumakanta ang Boyband PH sa una nilang single na “We Made It”. Habang sinusulat namin ang artikulong ito ay may nagsabi sa amin na umabot daw sa P10 milyon ang nagastos sa stage pa lang ng PBS Grand Reveal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.