BAWA’T gabi pagtuntong ng alas 9, kakalembang ang kampana sa mga simbahan ng buong Albay upang ipaalala sa mga Katoliko na ipagdasal na itigil na ang pagsasalvage sa kampanya laban sa droga.
Ang pagkalembang ng mga kampana sa alas 9 ng gabi ay iniutos ni Bishop Joel Z. Baylon ng Diocese ng Legaspi.
Sinabi ni Baylon na sinulatan na niya si Pangulong Digong tungkol sa kanyang utos matapos balaan ng Presidente ang mga drug pushers, dealers at drug lords na huwag nang lumabas ng bahay upang hindi mabaril.
Sinabi pa rin ni Baylon na hindi titigil ang pagbagting ng kampana tuwing alas 9 ng gabi hangga’t di natigil ang mga extrajudicial killings.
Mukhang mapapasubo si Baylon dahil sinabi ni Mano Digong na hindi siya titigil sa kanyang kampanya hangga’t lahat ng pushers, dealers at drug lords ay nakatayo pa.
Ang mga taong nakatira malapit sa mga simbahan ay hindi magrereklamo sa tunog ng kampana, pero di kalaunan ay maiinis na sila dahil magigising sila sa bagting ng kampana.
At kamumuhian nila si Baylon dahil naiistorbo niya ang kanilang mahimbing na tulog.
Dapat ay nag-isip si Baylon ng mas magandang paraan, gaya ng pakiusapan ang mga nagsisimba tuwing Linggo na ipagdasal na maitigil na ang pagkalat ng droga sa bansa.
Huwag ipag-utos ng obispo na ipagdasal ang imposible.
Dahil hindi alam ni Bishop Baylon ang extent ng drug problem, dapat siguro ay ipagdasal niya sa Diyos na tulungan na lang si Digong sa kanyang kampanya laban sa droga.
Tiyak na pakikinggan siya ng Diyos.
***
Alam ba ni Bishop Baylon na ilang matataas na opisyal ng Bicol region ay kasama sa drug trade?
Halimbawa, sa lalawigan ng Catanduanes, it’s public knowledge na sina Gov. Joseph Cua at Mayor Sammy Laynes ng capital Virac ay sangkot sa drug trade.
Ang aking unimpeachable sources sa Bicol region at sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nagsabi na sina Cua at Laynes ay kinasabwat si Eric Isidoro, head ng National Bureau of Investigation (NBI) office sa General Santos City sa Mindanao.
Pinaiimbestigahan na ni NBI Director Dante Gierran si Isidoro.
Isang shabu laboratory ay ni-raid ng mga pulis noong Sabado sa barangay Palta Small, Virac.
Ang laboratory, na nasa 1,000 square meter na lote, ay naka-lease sa isang Jayson Uy, isang Tsinoy, na nakalayas bago pa man mag-raid.
***
Sinabi sa akin ng aking source sa PDEA na sina Cua at Laynes ay matagal nang nasa radar ng matagal na panahon pero hindi sila nakasuhan dahil sa kanilang impluwensiya noong nakaraan administrasyon.
Ang dalawang opisyal ay nag-lie low sa kanilang drug operations matapos na maihalal si Digong Duterte bilang Pangulo.
Ang paglalantad kina Cua, Laynes at Isidoro ay nagpapakita na mas malakihan ang kanilang operasyon sa Bicol kesa kay Kerwin Espinosa sa Eastern Visayas.
It would be interesting to know the national and regional police officials, as well as other civil officials, na nasa payroll nina Cua, Laynes at Isidoro.
By the way, bago na-assign si Isidoro sa General Santos, siya ay head ng NBI anti-narcotics unit sa Maynila.
***
Dapat matakot na ang mga tiwaling opisyal ng gobiyerno sa banta ni Mano Digong na ipahihiya niya sa publiko ang lahat ng mga tauhan ng gobiyerno na kurakot.
“I ask everybody working under me, under this government, under the executive department, please hear me out because I will really pounce on you,” sabi ng Pangulo.
Inaanyayahan ni Digong ang publiko na mag-text sa pamahalaan sa mga telepono na ihahayag sa state-run People’s Television Network.
Bukod sa ipahihiya ang opisyal na kurakot, hihingin ng Pangulo na siya’y bumitiw ng tungkulin.
Kung makapal ang pagmumukha ng nasabing opisyal, sususpendihin siya o sasampahan ng reklamo.
Di gaya ng ibang lider, kapag sinabi ni Digong ay ginagawa niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.