UMABOT hanggang final round si Jeffrey de Luna ng Pilipinas pero binigo siya ni Ko Pin-Yi ng Taiwan, 3-11, para magkasya sa runner-up honors sa 49th annual All Japan 9-Ball Championship Miyerkules ng gabi sa Archaic Hall sa Amagasaki City, Hyogo, Japan.
Nakapasok si De Luna sa finals matapos niyang talunin si Chang Yuan ng Taiwan, 11-7, sa semifinals.
Tinisod naman ni Ko si Thorsten Hohmann ng Germany, 11-8, sa isa pang semis duel.
“Masayang-masaya po ako nakapasok ako sa finals kasi walang tumimbang na Pinoy sa world event sa taong ito,” sabi ni De Luna.
Sa round-of-64 ay binigo ni De Luna, na tambay at laging nagpapraktis sa Star Billiards Center at King of Sports Resto Bar, si Toru Kuribayashi ng Japan, 11-6.
Nanaig din si De Luna sa mga kapwa Pinoy na sina Ramil Gallego, 11-6, sa round-of-32, Warren Kiamco, 11-8, sa round-of-16 at Dennis Orcollo, 11-6, sa round-of-8.
Dahil sa panalo ay ibinulsa ni Ko ang $25,000 top purse habang nagkasya si De Luna sa $12,000 runner-up prize.
Ito na ang ikalawang impresibong tagumpay ni De Luna sa taong ito.
Nito lamang Agosto ay pinadapa ng 32-anyos na si De Luna ang WPA World No. 1 na si Chang Jung-Lin ng Taiwan, 13-7, sa finals ng CBSA 9-ball event sa Shanghai, China tungo sa pagbulsa ng $15,000 premyo.
Nakatakda namang lumahok ni De luna sa Senator Manny Pacquiao Billiards Tournament na gaganapin sa Disyembre 6-17 sa General Santos City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.