OFWs balik sa dating gawi sa pagpapadala ng balikbayan box
KUNG noong nakaraang taon halos boycott ang naging paninindigan ng ating mga OFW sa pagpapadala ng kanilang mga balikbayan box sa Pilipinas, kabaliktaran naman ngayon.
Kinatakutan at ikinagalit kasi ng ating mga kababayan sa abroad ang kaliwa’t-kanang mga balita ng laglag o tanim bala noon pati na ang lantarang pagbubukas sa mga kahong padala ng ating mga OFW sa kani-kanilang pamilya.
Hindi pa man pormal na nakauupo ang bagong administrasyon, tila bigla na lamang nahinto ang naturang “laglag o tanim bala” na modus ng mga tiwaling empleyado sa airport at wala na halos mabalitaang may mga nabibiktima pa sa kabila ng mga balita noon na halos araw-araw ay may mga nabubulaga na lamang na biktima na pala sila.
Dahil sa matinding mga pahayag na binitiwan noon ng presidential candidate pa lamang na si Mayor Rodrigo Duterte bilang bahagi ng kaniyang campaign promise na tatanggalin niya at papalitan lahat ng mga empleyado sa airport kung hindi nila ititigil ang masamang gawain, animo mga nabuhusan ng malamig na tubig ang mga iyon at biglang natauhan.
At nang nanalo na nga bilang pangulo at nag-anunsiyong dapat magbitiw na lahat ang mga abusado at mapagsamantalang mga empleyado ng NAIA dahil tototohanin niya ang kaniyang mga tinuran noong panahon ng kampanya.
Agad namang naramdaman iyon ng mga OFW. Pakiramdam nila nawala ang kanilang takot na magbakasyon muli ng bansa nang hindi na mabibiktima pa at hindi na kailangang balutin pa nang plastic ang kanilang mga maleta.
Kasabay nito, hugos na din ang pagpapadala nila ngayon ng kanilang balikbayan box.
Bukod sa naipasa na ang batas na tinataasan na ang timbang ng kanilang puwedeng maipadalang laman ng balikbayan box na nagkakahalaga na ngayon ay P150,000 mula sa dating P10,000 lamang na tax free.
At hindi lamang isang beses, kundi tatlong beses sa bawat taon maaaring makapagpadala ang ating mga OFW dito sa Pilipinas.
Ngayon naman, dahil sa mataas na palitan ng piso sa dolyar, nagpasigla pa ito sa ating mga OFW dahil mas malaki nga naman ang katumbas na halaga ng kanilang mga pinaghirapang dolyar sa abroad kung gagastusin ito sa Pilipinas.
Pakiusap naman ng ating mga OFW, sana patuloy na irespeto ng mga kinauukulan ang kanilang mga pinaghirapang kahon pati na sa hanay ng pribadong sektor.
Mas mapabilis pa nga naman sana ang serbisyo nila para makarating kaagad ang kanilang mga kahon dahil simbolo iyon ng kanilang pagmamahal sa pamilya na ipinadarama nila sa pamamagitan ng kanilang mga balikbayan box.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.