Bato hindi nagsisisi; handang makulong matapos ang ‘junket’ sa Las Vegas
SINABI ni Philippine National Police (PNP) Director General Ronald “Bato” dela Rosa na hindi siya nagsisisi matapos magbiyahe sa Las Vegas para manood ng laban ni Sen. Manny Pacquiao na ayon sa kanya ay sagot lahat ng senador.
Sa isang press conference, idinagdag ni dela Rosa na handa siyang magpakulong sakaling mapatunayang guilty sa ethics breach.
Ito’y sa harap naman ng isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban sa kanya kaugnay ng kanyang biyahe.
“My respect to the Office of the Ombudsman remains at nirerespeto ko ‘yung kanilang functions. Trabaho nila ‘yan just like yung kami sa PNP na mag-imbestiga ng violations sa batas, ganun din sila. But anyway the truth will come out and sana magkaroon ng fair interpretation sa batas para naman po walang maagrabyado,” dagdag ni dela Rosa.
Inamin ni dela Rosa na sinagot lahat ni Pacquiao ang ginastos niya at ng kanyang pamilya sa pagpunta sa Las Vegas.
“Itong sa akin ay pampulis lang, hindi pamulitika. Whatever kung merong insinuations na politically motivated or not hindi ko po pinapasok sa utak ko ‘yan,” ayon pa kay dela Rosa.
Matatandaang nasa likod pa si dela Rosa ni Pacquiao habang kinakapanayam matapos manalo sa kanyang labay kay Jessie Vargas.
“I’m ready to accept the consequences of actions. Anyway hindi po ako nagsisi dahil nabigyan ko ng quality time yung aking pamilya at libre pa. So okay lang kung mapunta ako sa kulungan at masaya pamilya ko at hindi yun kinorrupt na pera at hindi ko po hinihingi ‘yun,” sabi pa ni dela Rosa. Inquirer
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.