SO malamang marami ring mga manlalarong mami-miss sa pagbubukas ng 42nd season ng Philippine Basketball Association sa Nobyembre 20.
Kabilang dito ang dating Most Valuable Player na si Eric Menk na nagretiro na matapos ang ilang taong paglalaro sa Alaska Milk.
Noong nakaraang season, marami ang umasa na masusundan ni Menk ang yapak ni Paul Asi Taulava na sa edad na 43 ay naging miyembro pa ng PBA Second Team.
Aba’y tila nga hindi tumatanda si Taulava at kaya pa niya na makisabay sa mga batang manlalaro kahit na siya na ang pinaka-senior citizen sa mga PBA players.
E mas bata sa kanya si Menk so puwede pa sana itong magtagal kung nanaisin niya. Pero hindi na nga gusto ni Menk na magtagal pa. He has called it a career, ika nga. Wala na naman siyang dapat na patunayan pa. Nanalo na siya ng MVP award at ilang kampeonato na ang kanyang naiuwi.
Nagsimula ang career ni Menk sa poder ng Tanduay Rhum kung saan nakasabay niya si Sonny Alvarado na hindi pala totoong Fil-Am at napauwi. Halos kasabay din niya sa Tanduay si Dondon Hontiveros na noong nakaraang season ay kakampi niya sa Alaska.
Akala nga ng karamihan ay sabay na magreretiro sina Menk at Hontiveros. Pero pumirma ng contract extension si Hontiveros.
Bukod sa Tanduay at nakapaglaro rin si Menk sa Ginebra bago nagtungo sa Asean Basketball League kung saan naging miyembro siya ng nagkampeong San Miguel Beer.
Bukod kay Menk, isa pang Fil-American ang mapupuwersang magretiro. Ito ay matapos na hindi na papirmahin ng contract extension ng Globalport si Dorian Peña. Okay na rin ang career ni Peña at marami na siyang kampeonatong napanalunan.
Unang dumating si Peña sa bansa bilang manlalaro ng Pasig Pirates sa dating Metropolitan Basketball Association. Matapos iyon ay kinuha siya ng San Miguel.
Mananatili si Peña bilang isang figure sa local sports dahil sa ang balita ko’y isang volleyball player ang kanyang anak at malapit nang maglaro sa kolehiyo. Maraming eskuwelahan ang naghahangad na makuha ang kanyang anak. Malamang na sasamahan niya ito sa liga.
Dalawang iba pang superstars ang na-cut ng kani-kanilang teams.
Hindi na pinapirma ng kontrata ng San Miguel ang dating scoring champion na si Gary David samantalang binitawan naman ng NLEX ang problemadong si Mark Cardona.
Puwede pa sigurong pakinabangan si David pero kailangang ibaba niya ang kanyang asking price.
Mangyari ay nasa maximum ang kanyang suweldo. Hindi papayag ang team na kukuha sa kanya na bayaran siya nang ganoong kalaking halaga. Pero puwede rin siyang magretiro dahil sa okay na naman ang estado ni David sa buhay.
Hindi natin alam kung paano tatanggapin ni Cardona ang paglaglag sa kanya kasi noong nakaraang season ay binulabog nga tayo ng balitang nag-overdose si Cardona matapos silang mag-away ng kanyang maybahay.
Sana ay maging maayos ang buhay ni Cardona kahit pa hindi na siya naglalaro.
Ang apat na superstars na ito ay hindi malilimutan ng mga fans.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.