10 horror movies na tumakot sa Pinoy
AYON sa mga paganong Celts, ang Halloween o All Hallows Eve ang panahon kung kailan pinakamanipis ang tila kurtina na naghihiwalay sa mundo ng mga buhay at mundo ng mga patay. Kaya naman maraming pangyayari—may halong kababalaghan at katatakutan— ang nararanasan ng ilang taong “sensitibo” ang pakiramdam.
May mga taong gustong maka-experience ng mga supernatural na bagay pero marami pa rin ang mas pipiliin ang matakot sa pamamagitan ng panonood ng mga pelikulang makapanindig-balahibo.
Base sa poll na ginawa ng Bandera sa Facebook account nito, narito ang ilang mga pelikulang Pinoy na kahit paulit-ulit panoorin ay nagbibigay pa rin ng kakaibang takot.
1. Feng Shui
Pinagbibidahan ni Kris Aquino, ibang gimbal ang naranasan ng mga nanonood ng pelikula tungkol sa isinumpang bagwa na naghahatid nga ng labis na labis na swerte pero may madugong kapalit.
Kamatayan ng kung sino man ang mapapatingin sa salamin ng bagwa!
Nakatatakot ang bawat pagkamatay ng mga karakter dito dahil lahat ay may koneksiyon sa kung anong taon sa Chinese calendar sila ipinanganak. Tulad na lang ng pagkahulog ni Lotlot de Leon sa mga case ng isang sikat na alak na may logo ng kabayo.
2. Halimaw sa Banga
Pinagbidahan nina Gina Pareño, Liza Lorena at Michael de Mesa, ang Halimaw sa Banga ay tungkol sa isang antique collector na nag-uwi ng isang banga kung saan may isang halimaw ang lumalabas tuwing gabi. Ang halimaw na ito ay sinasabing isang mangkukulam na pinatay at inilibing sa loob ng banga at sumumpa na sa kanyang muling paggising ay pagsisisihan ng lahat ang ginawa nila sa kanya.
Ang Halimaw sa Banga ay bahagi ng “Halimaw” movie na isang two-part horror movie noong 1986.
3. Maria Leonora Theresa
Ang mga magulang na sina Faith (Iza Calzado) Julio (Zanjoe Marudo) at Stella (Jodi Sta. Maria) ay sabay-sabay na nagdadalamhati sa pagkamatay ng kanilang mga anak.
Isang misteryosong psychiatrist ang dumating sa kanilang buhay at binigyan sila ng mga life-size dolls ng kanilang mga anak para “makatulong” sa kanilang pagluluksa. Ang hindi nila alam ang mga life-size dolls na ito ay unti-unting nabubuhay….at kumukuha ng buhay.
4. The Healing
Isang pelikula starring Vilma Santos na ini-release para rin sa selebrasyon ng kanyang ika-50 taon sa showbiz, ang The Healing. Ito ay tungkol sa isang faith healer na sobrang epektibo sa pagpapagaling. Pagkatapos maipagaling ni Seth (Vilma Santos) ang kanyang ama ay lumapit ang ilang kapitbahay at kakila upang hilingin na dalhin din sila sa faith healer.
Gumaling naman ang mga maysakit pero nagkaroon ng “side effect” ang faith healing—pumapatay at nagpapakamatay ang mga pinagaling. Susubukin ngayon ni Seth na alamin kung bakit nagkaganito ang mga nangyayari. Magugulat kayo sa kanyang madidiskubre.
5. Shake, Rattle
and Roll III
Pinakasikat ang edisyon na ito ng “Shake Rattle and Roll” dahil sa “Nanay,” ang ikatlong istorya sa trilogy ng movie franchise na ito.
Ang Nanay ay tungkol sa isang nature lover na si Maloy (Manilyn Reynes). Lagi syang inaapi ng kanyang mga dorm mates. Nang Magbakasyon sila isang araw sa isang lawa, ang best friend nya ay nag-uwi pala ng mga kakaibang itlog na nakita nya roon. Pagmamay-ari pala ito ng undin, isang creature na nakatira sa lawa na sobrang protective sa kanilang mga itlog. Dahil nga kinuha ang kanyang mga anak ay isa isa nitong pinatay ang mga tao sa dorm. Natigil lamang ito nang maisoli ni Maloy ang mga itlog sa kanya.
Tumatak ang episode na ito ng “Shake, Rattle and Roll” dahil bukod sa nakakatakot ay may kurot sa puso.
6. Sukob
Madalas gawing tema ng mga Pinoy horror movies ang mga pamahiin at ang pinakapopular diyan ay ang “Sukob” nina Kris Aquino at Claudine Barretto.
Dalawang hindi magkakilalang bagong kasal ang nakaranas ng mga kakaibang pananakot at pagkamatay na sumesentro sa kanilang kasal. Samahan pa ng nakakatakot na aparisyon ng isang flower girl ay tiyak mapapasigaw din kayo ala-Kris Aquino.
7. Tiyanak
Ang tiyanak ay isang demonyong nag-anyong sanggol. Sila rin umano ang mga multo ng mga batang pinaabort.
Ang “Tiyanak” na pinagbidahan ni Janice de Belen ang pinakasikat na bersyon ng halimaw na ito.
8. The Road
Iba-ibang istorya na sa iba’t ibang mga oras nangyari pero magkakakunekta sa iisang daan. Ang The Road ay isang horror-psychological thriller na nagpa-shock sa mga manonood noong 2011.
9. Cinco
Limang istorya, konektado ng iisang bagay. Isang psychological horror, ang Cinco ay tungkol sa iba’t ibang bahagi ng katawa; braso, paa, mata, mukha at puso. Panoorin mong maigi dahil para ma-realize mo ang kuneksyon nila sa isa’t isa.
10. Pridyider
Ito ay hango mula sa isang storya sa “Shake Rattle and Roll 1” na pinagbidahan ni Janice de Belen noong 1984.
Although iba na ang istorya, bida pa rin si Janice bilang ina ni Andi Eigennman na nakipagkasundo sa demonyo para gantihan ang asawang nambababae. Sumasapi umano ang demonyo sa isang pridyider na pinaglagyan ng putol-putol na katawan ng mga pinatay nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.