P129.6M na tinanggap ng POC sa PSC kinuwestyon | Bandera

P129.6M na tinanggap ng POC sa PSC kinuwestyon

Angelito Oredo |November 01,2016
facebook
share this

P129.6M na tinanggap ng POC sa PSC kinuwestyon

Angelito Oredo - November 01, 2016 - 01:00 AM

HINDI pa nagtatagal matapos ibulgar ang tulong pinansiyal mula sa International Olympic Committee (IOC) sa bawat miyembro na National Olympic Committee (NOC) ay inilantad ng Philippine Sports Commission (PSC) ang nadiskubre nitong P129.6 milyong pondo na ibinigay sa pribadong organisasyon na Philippine Olympic Committee (POC) simula noong 2010 hanggang 2016.

Ito ang dagdag na isiniwalat ni PSC Commissioner Ramon Fernandez matapos na tukuyin ang malaking pondong nakuha ng mga opisyales ng POC bago pa magtungo sa ginanap na 2016 Summer Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil kung saan 13 atleta ang lumahok habang mahigit sa 30 ang kasama sa delegasyon.

“They are claiming to be a private organization eh bakit gumagamit sila ng pondo ng gobyerno?” sabi ni Fernandez.

Nais naman ni Fernandez na makausap ang Commission on Audit (COA) hinggil sa pinaggamitan ng nadiskubreng ginamit nitong P129.6 milyong pondo sa loob ng nakalipas na anim na taon.

Una nang inilabas ni Fernandez ang iniulat ng IOC ukol sa 2016 Olympic solidarity report na bawat isang NOC, na tinutukoy ang POC, ay tatanggap ng $16,000 (P768,000) para sa lahat ng gagastusin nito sa pagpapadala ng mga atleta nitong makapagkukuwalipika sa Rio Olympics.

Bawat NOC president at secretary-general, partikular kay Jose ‘Peping’ Cojuangco Jr. at Steve Hontiveros, ay bibigyan naman ng $10,000 para sa transport at accommodation expenses habang bawat NOC ay makakakuha ng $2,500 kada isa sa mga atleta nitong nagkuwalipika at lumahok sa torneo.

Ang mga nagkuwalipika sa Rio Olympics ay binubuo nina Eric Shawn Cray, Mary Joy Tabal at Marestella Torres-Sunang sa athletics, Rogen Ladon at Charly Suarez sa boxing, Miguel Tabuena sa golf, Kodo Nakano sa judo, Jessie Khing Lacuna at Jasmine Alkhaldi sa swimming, Ian Lariba sa table tennis, Kirstie Elaine Alora sa taekwondo, Nestor Colonia at ang nag-uwi ng tanging medalyang pilak na si Hidilyn Diaz ng weightlifting.

Nauna nang nagtakda ang PSC ng kabuuang P30 milyon para magamit ng pambansang delegasyon bilang pamasahe at pambayad sa mga gastusin nito sa pagtungo sa Rio de Janeiro.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending