Papabor sa amin ang desisyon ng SC – Imee
MATAPOS ang pagpapalawig ng status quo ante order na ipinalabas ng Korte Suprema kaugnay ng pagpapalibing kay dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), inaasahan na magpapalabas ang SC ng desisyon nito sa darating na Nobyembre 8.
Ito’y sa harap naman ng mga petisyon na tumututol sa ginagawang preparasyon ng Armed Forces hinggil sa paghahatid sa huling hantungan ni Marcos sa LNMB.
Bilang paghahanda, magsasagawa muli ng Lakbayan ang mga tagasuporta ng mga Marcos para sa inaasahang desisyon ng Kataastaasang Hukuman.
Magbibiyahe muli mula Ilocos Norte, Kabisayaan at Metro Manila ang mga tagasuporta ng pamilya Marcos patungong Korte Suprema para bantayan ang magiging hatol ng SC at umaasa silang hindi na muling ipagpapaliban ang desisyon hinggil sa paghihimlay ni Marcos sa LNMB.
Naniniwala naman si Ilocos Norte Governor Imee Marcos na makakakuha sila ng walong boto mula sa mga justices ng SC para ibasura ang mga petisyon at tuluyan nang ipag-utos ang pagpapalibing sa dating pangulo.
Kumpiyansa rin si Gov. Marcos na magiging susi para sa pagkakaisa at paghilom ng mga sugat na idinulot ng nakaraan ang nakatakdang pagpayag ng Korte Suprema na mailibing si Marcos sa LNMB.
Naniniwala si Gov. Marcos na napakalakas ng kanilang iprinisintang mga argumento sa SC para ibasura ang mga petisyon.
“Ang tatay ko ay dating sundalo at dating pangulo ng Pilipinas, kaya marapat lang na ilibing na siya sa Libingan ng mga Bayani,” ang paliwanag ni Gov. Marcos.
Mismong si Gov. Marcos na rin ang nagsabi na patawarin na ang kanyang ama sa mga kasalanan nito at nagawa sa kanyang panunungkulan para tuluyan nang magkaisa ang lahat at makasulong na ng lubusan ang bansa.
Aminado naman ang mga tagasuporta ng mga Marcos na nag-aalala sila na may magtangkang magmaniobra sa magiging desisyon ng SC sa kabila na suportado ito ng mas nakakaraming tao.
Hindi naman natin masisisi ang mga tagasuporta ni Marcos na magduda sa kung anong maaaring pagkilos ng mga tumututol para sa pagpapalibing ni dating pangulo.
Kabilang sa pinadududahan ng mga ito ay si Supreme Court Justice Alfredo Benjamin Caguioa na kilalang sumusuporta sa mga petitioner na kontra sa Marcos burial.
Matatandang si Caguiaoa ang justice na inihabol pa ng nakaraang administrasyon na mai-appoint sa Korte Suprema bago tuluyang bumaba sa pwesto si dating Pangulong Noynoy Aquino. Usap-usapan din na inilagay siya sa SC para magsilbing proteksyon ng dating pangulo sakaling may kaharaping kaso, at isa na nga rito ang isyu hinggil sa pagpapalibing ni Marcos sa LNMB.
Naging usap-usapan din kung bakit hindi nakapagdesisyon agad ang SC noong nakaraang Oktubre 18 ay dahil matindi umano ang ginagawang pressure na maharang ang pagpapalibing.
Ang balita pa nga talagang pinapatagal ang pagdedesisyon ng SC sa pagnanais na mahilot ang mga justices na huwag paboran ang pagpapalibing.
Umaasa lang ang supporter ng pamilya Marcos na ang pagde-delay ng desisyon ng SC ay talagang para mapag-aralan ang mga petisyon at hindi para mahilot lamang ang posisyon na meron na ang mga justices.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.