Trial proper ng plunder ni Revilla itinakda na
Sisimulan na ng Sandiganbayan ang trial proper ng kasong plunder na kinakaharap ni dating Sen. Ramon Bong Revilla Jr., sa Enero 12— dalawang taon matapos na isampa ng Office of the Ombudsman ang kaso. Ang pagdinig ay isasagawa tuwing Huwebes at dalawang beses— 8 ng umaga at 1:30 ng hapon. Itinakda ang trial proper matapos ang isinagawang pre-trial ng kaso kung saan minarkahan ang mga ebidensyang gagamitin at mga testigong ipatatawag ng prosekusyon at depensa. Naunang natapos ang pre-trial ng plunder case. Ang pre-trial sa 16 na kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay hindi pa natatapos. Si Revilla ay nakakulong sa Custodial Center ng Philippine National Police sa Camp Crame, Quezon City matapos na ibasura ang kanyang mosyon na makapagpiyansa. Siya ay inakusahan na tumanggap ng P224 milyong kickback mula sa mga non-government organization ni Janet Lim Napoles kung saan napunta ang kanyang mga pork barrel fund scam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.