SIRANG-plaka na ngang maituturing ang paulit-ulit na babala ng pamahalaan laban sa mga illegal recruiter.
Kahit pa nasa abroad na, hindi pa rin humihinto ang mga kababayan nating humanap ng ibang bansang malilipatan.
Mga ilang taon na rin ang nakararaan nang magsimula ito sa Hong Kong at halos mahibang ang mga kababaihan nating maghanap at mangutang ng perang pang-placement fee patungong Canada.
Marami ang nalokong mga kababayan natin noon. Hindi na nila tinapos ang mga kontrata sa kani-kanilang mga amo at asang-asang makakaalis nga sila ng Hong Kong at makakalipat ng Canada.
Umuwi sila sa Pilipinas upang mag-apply ng kanilang working visa patungong Canada, ngunit marami ang hindi nabigyan. Laking kabiguan iyon para sa ating mga OFW lalo pa’t wala na silang trabahong babalikan sa Hong Kong bukod pa sa lubog sila sa utang.
Ngunit hindi pa rin doon nahinto ang patuloy na pang-eenganyo sa ating mga OFW. Sumunod na ipinangako naman ang bansang Spain. Ganoon din ang nangyari. Marami rin ang nabiktima ng illegal recruitment.
Ngayong madalas nababanggit ng Duterte administration ang bansang Russia, may panibago na namang modus operandi ang mga illegal recruiters na ito.
Tulad na lamang ng isang Pinay natin sa HK na nagbayad ng 32,000 Hong Kong dollars bilang placement fee nito. Wala na rin siyang trabaho sa HK at kasalukuyang nasa Macau dahil umaasa itong maaari na siyang dumiretso patungo ng Russia mula sa Hong Kong.
Kaya nabanggit tuloy ni Consul General Bernardita Catalla ng Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong na matitigas umano ang ulo ng ating mga kababayan. Hindi pa rin sila natututo at patuloy pa ring nagpapaniwala sa mga pang-eenganyo ng mga illegal recruiter doon.
Nasabi pa nga ng isang opisyal doon na nagtataka nga siya bakit nag-aambisyon pang lumipat ng bansa ang mga OFW natin gayong parehong trabaho din naman ang kanilang aabutan sa ibang bansa—bilang mga domestic helper din.
Sabi naman ng isang OFW, kaya umano handa silang sumugal tulad na lamang sa Canada dahil may oportunidad silang makuha ang kanilang mga kapamilya doon at hindi katulad sa HK na OFW sila forever.
Ngunit nilinaw naman ni ConGen Catalla na ipinagbabawal ng Pilipinas ang third-country recruitment. Ibig sabihin, hindi maaaring mag-recruit ng mga Pilipinong nasa abroad upang ilipat muli sa iba pang mga bansa.
Ngayon, bukod sa Canada at Russia, kasama na rin ang mga bansang Turkey, Cyprus at United Kingdom, na ginagamit ng pambiktima ngayon sa ating mga kababayan.
Huwag matigas sana ang ulo ng ating mga OFW at makinig sa babala.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali; audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.