KUNG gaano siya katikas sa mga unang linggo sa pwesto bilang miyembro ng Gabinete ay ganoon naman katahimik ngayon ang isang Cabinet secretary.
Bukod sa hindi pagpapaunlak sa mga media interviews ay hindi rin siya nagpapakita ngayon na kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng ating Cricket na “laglag ang tuka” ni Mr. Cabinet Secretary dahil sa kaliwa’t kanang banat sa kanya ng media.
Hindi kasi niya natantya na kailangan ang mahabang panahon para matupad ang mga ipinangako niyang “ginhawa” para sa publiko.
Nagkaroon din ng problema si Sir na ayon sa ating Cricket ay mga problemang iniwan ng nakaraang administrasyon.
Ito raw ang isa sa mga dahilan kung bakit naghahabol ngayon sa kanyang mga pangako ang bida sa ating kwento ngayong araw na ito.
Para maging maganda ang kanyang imahe sa publiko ay kinuha niya sa kanyang team ang serbisyo ng isang beteranong mediaman na binigyan pa niya ng mataas na ranggo at tanggapan.
Ito ang nakikita niyang paraan para maipaliwanag nang maayos sa publiko ang kanyang mga plano nang hindi na siya ang personal na nagpapaliwanag nito.
Sinabi ng ating Cricket na isang mediaman pa ang nagbabalak na mag-join sa kanyang team at kapag nangyari ito ay magiging tatlo na mga mamamahayag ang magiging kasapi ng kanyang official family.
Sa totoo lang, maganda ang imahe sa publiko ni Mr. Cabinet Secretary dahil kilala siya bilang isang self-made millionaire na nagmula sa isang mahirap na pamilya sa isang lalawigan sa Mindanao.
Bukod sa pagiging matagumpay sa kanyang professional career ay kilala rin siya na isang mahusay na negosyante bago naging miyembro ng Duterte administration.
Nakakapanghinayang lang dahil unti-unting nasisira ang kanyang pangalan dahil sa dami ng kanyang mga ipinangakong reporma sa napakaiksing panahon.
Kahit ang ating Pangulo ay sinasabing dismayado dahil hanggang ngayon ay wala pa rin ang ipinangakong “ginhawa” sa publiko ni Mr. Secretary.
Ang miyembro ng gabinete na ngayon ay nagtatago sa mata ng publiko at sinasabing apektado sa mga kritisismo ay si Mr. A….as in Ackward.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.