PINAKAMALAKING pagkakamali ni ex-Pre-sident Marcos noong martial law ay ang kawalan niya ng kontrol sa pang-aabuso ng pulis at sundalo sa mga i-nosenteng mamamayan.
Noong idineklara ang batas militar noong 1972, tumahimik ang buong bansa dahil iki-nulong noon ang mga warlord, kinumpiska ang lahat ng baril at nawawala na lang ang mga kriminal.
Pero, nang lumaon, pumasok sa utak ng pulis at sundalo, kahit sino ay pwede nilang damputin, ikulong o kaya ay i-salvage.
Nababahala ako ngayon dahil mismong si Pres. Duterte ang nagsabi na merong 6,000 “active” police officers and men ang sangkot sa ilegal na droga.
Hindi ako magtataka kung sila ang nagsa-salvage sa mga dati nilang “asset”. Ika nga, kaila-ngang linisin ang kanilang mga bakas. Ang kaso lang, pati inosenteng sibilyan o kahit anti-crime group ay pina-patay na rin
Tulad kay Zenaida Luz, regional chairperson ng Citizens Crime watch sa Oriental Mindoro na pinatay ng dalawang pulis na nagpanggap na “riding in tandem”.
Kinasuhan ng murder sina Senior Insp. Magdalino Pimentel Jr., at Inspector Markson Almerañez, na chief of police pa ng bayan ng Socorro. Nang bumisita raw si PNP chef Bato sa Calapan City, binigyan pa ng award noon si Almerañez. Mabuti na lang, nahuli rin ng kapwa pulis ang dalawa sa habulang umabot sa Pinamalayan, nasugatan sila at na-corner.
Bakit pinatay ang anti-crime watch leader ng dalawang pulis? Meron bang alam si Zenaida Luz sa involvement ng mga Ito sa krimen?
Ayon sa PNP, kasong murder at direct assault ang isasampa nila laban kina Pimentel at Alme-rañez at hindi pa raw “extrajudicial killing” o AO 35.
Ang PNP Internal Affairs Office ang merong poder sa paglilinis ng 150,000 pulis sa buong bansa. Pero, paano nito madidisiplina ang kanyang hanay kung sa kabuuan ay meron lamang siyang 664 na opisyal at tauhan? Isama mo ang SOCO na merong 680 personnel, pumapatak na 1,344 na imbestigador sila sa buong bansa.
Sa ngayon, meron na silang 300 “motu-propio” investigations sa mga pulis pero 28 lamang dito ang gustong busisiin ni Senador Dick Gordon. Napakaliit, lalo pa’t umaabot na sa 3,400 ang naitatalang kaso ng patayan.
Ako’y kinakabahan kapag sinasabi ni Presidente na protektado niya ang mga pulis at sundalo sa pagpatay sa mga pusher at adik. Paano kung inosente kang tao na nakaaway ng pulis at ikaw ay mapatay rin? Sana, sabihin din ni Digong na hindi niya papatawarin ang mga pulis at sundalo na magsasamantala o mag-aabuso sa kanyang kampanya.
Huwag niyang gayahin si Marcos na pinabayaang sumobra at mang-abuso ng kapangyarihan ang mga pulis at sundalo.
Una, dapat ituloy niya ang pagsasapubliko sa pangalan at pagtugis sa 6,000 narco-cops.
Ikalawa, bakit hindi pa nakukulong ang mga narco-generals? Ikatlo, dapat ay palakasin, padamihin ang “internal affairs” ng PNP at seryosong linisin ang hanay ng pulis.
At ika-apat, itigil na ang kampihan ng mga pulis sa kanilang mga kabaro lalot sangkot sila sa illegal drugs o kaya’y sa mga patayan.
Huwag mo nang hintayin, Mr. President, na magalit sa iyo ang tao dahil sa mga abusadong pulis. Tulad ng malawakang pag-ayon nila sa kampanya mo, gusto nilang makita na napaparusahan talaga ang mga corrupt at abusadong pulis. Hindi moro-moro. Hindi bine-beybi!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.