Ateneo Lady Eagles lumapit sa korona ng UAAP Season 79 badminton
PINUTOL ng Ateneo de Manila University ang makasaysayang rekord ng University of the Philippines na 25-larong diretsong pagwawagi matapos itakas ang 3-2 panalo para agawin ang Game One ng UAAP Season 79 women’s badminton Finals noong Linggo.
Ibinigay ni Trixie Malibiran ang game clincher para sa Lady Eagles nang manalo ito kontra Bea Bernardo, 21-17, 21-9, sa ikatlong singles match.
Ang panalo ay ikaapat na sunod ng Ateneo, kabilang ang tatlong sunod sa do-or-die stepladder semifinals match kontra sa second ranked na De La Salle University at No. 4 na National University.
Tatangkain ng Lady Eagles ang ikaapat na kampeonato at una sapul noong 2013 sa isa pang panalo bukas ng tanghali sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Ang Lady Maroons, na nagwagi sa korona sa nakalipas na dalawang taon sa pamamagitan ng 9-0 sweep, ay agad na tumuntong sa Finals matapos na walisin ang lahat ng kanilang pitong laro sa elimination round.
Nilampasan din ng Ateneo ang twice-to-beat disadvantage sa men’s stepladder semis matapos nitong talunin ang UP, 3-2, sa decider.
Ang Blue Eagles, na tinalo rin ang Fighting Maroons, 3-1, noong Sabado, ay makakaharap ang Bulldogs sa best-of-three title series simula bukas.
Samantala, kinumpleto ng University of Santo Tomas ang golden double sa UAAP Season 79 beach volleyball tournament matapos mapanalunan ang mga titulo ng women’s at men’s division noong Linggo sa Sands SM By The Bay.
Ang Tigresses ang naging pinakamatagumpay na koponan sa nasabing sport matapos na ihatid nina Cherry Rondina at Jem Gutierrez ang España-based squad sa ikaapat na titulo sa pagtala ng 21-17, 21-10 pagwawagi laban sa Far Eastern University tandem nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza sa championship.
Hindi naisakatuparan ng UST ang kanilang ‘perfect season’ matapos matalo sa Game Two, 21-17, 17-21, 13-15, sa naunang laban subalit hindi naman nagpapigil sina Rondina at Gutierrez na mabawi ang korona.
“‘Yung last season kasi wala na iyon. It’s another chapter naman,” sabi ni Rondina, na produkto ng Compostela National High School sa Cebu at napanalunan ang ikalawang MVP award sa loob ng tatlong taon.
“Noong nagbago ang coaching staff at ang partner ko, sinabi ng coach namin na ito ang panibagong libro, ang front page. ‘Yung mga pages po, ito ang training namin. Ito (championship) ang last page namin.”
Ang Growling Tigers ay naging matagumpay naman sa pagtala ng 9-0 season sweep kung saan sina MVP KR Guzman at Anthony Arbasto ay pinatumba ang palabang pares ng FEU Tamaraws na sina Jude Garcia at Jeremiah Barrica, 21-16, 21-16, sa Game 2.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.