BAGO naupo bilang pangulo si Presidente Duterte ay kaliwa’t kanang kamalasan ang inabot ng mga atletang Pinoy sa mga international tournaments.
Kadalasan ay kinakapos ang mga ito at umuuwing walang bitbit na medalya o tropeyo.
Dalawampung taon na ring walang naiuuwing medalya ang Pilipinas sa kada-apat na taong Olympiada.
Anim na taon ding inalat ang mga Pinay cagers sa SEABA women’s championship. Taong 1986 pa huling nakakuha ng individual board medal si GM Eugene Torre sa World Chess Olympiad. At ni minsan ay hindi pa nagkaroon ng babaeng Grandmaster sa chess ang Pilipinas.
Pero sa nakalipas na unang 100 araw ni Duterte sa puwesto ay tila nagbago ang ihip ng hangin. Sinuwerte ang mundo ng Sports, at maging sa Paralympic Games ay bumandera rin ang bansa sa table tennis.
Sabi nga ng campaign slogan ni Duterte: Change is coming!
Tila hagip ng pangakong ito ang Philippine sports.
Swerte nga ba talaga ang sports kay Duterte?
Weightlifting
Nagbunga ang matagal na paghihirap at pagpupursigi ni Hidilyn Diaz upang tuldukan ang 20 taong pagkauhaw ng Pilipinas sa medalya sa Olympics matapos iuwi ang silver medal sa women’s 53-kilogram weightlifting event sa 2016 Rio de Janeiro Olympics nitong Agosto.
Bumuhat si Diaz ng kabuuang 200 kg, mas magaan ng 12 kg kay gold medalist Hsu Shuching ng Chinese Taipei na bumuhat ng 212 kg.
Bunsod ng panalo, si Diaz ang naging unang benepisyaryo ng Republic Act 10699 o ang National Athletes and Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act kung saan nakatanggap siya ng P5 milyong pabuya. Nakakuha rin ang three-time Olympian- na isang reserved member ng Philippine Air Force na may ranggong Airwoman second class ng P2 milyong bonus mula kay Duterte at P1.5 milyon naman mula sa Kamara de Representantes. Bukod pa ito sa house and lot na ibinigay sa kanya ng isang pribadong kumpanya.
Si Diaz ang kauna-unahang Pinay at kauna-unahang Mindanaoan na nanalo ng medalya sa Olympic Games.
Table Tennis (Paralympics)
Sa kabila ng kanyang kapansanan, ipinamalas ni Josephine Medina na kaya niyang makapagbigay karangalan sa bansa sa larangan ng palakasan.
Sinungkit ng 46-anyos na polio victim ang tansong medalya sa women’s individual table tennis Class 8 ng 2016 Rio Paralympics sa Brazil nitong Setyembre. Tinalo ni Medina, na siya ring flag bearer ng bansa sa naturang palaro, si Juliane Wolf ng Germany, 11-5, 11-6, 11-7, upang tumapos sa pangatlong puwesto at higitan ang kanyang fourth place finish sa 2012 London Paralympics.
Ang panalong ito ni Medina ang ikalawang medalya ng Pilipinas sa nasabing palaro at siya ring tumapos sa 16-taong paghihintay ng bansa mula ng mauwi ni powerlifter Adeline Dumapong ang bronze sa 2000 Sydney Paralympic Games.
Ang mga atletang naglalaro sa table tennis Class 8 ay may mga pisikal na depekto sa kanilang braso o hita.
Chess
Sinikwat ni GM Eugene Torre ang tansong medalya upang pakinangin ang kampanya nang Philippine men’s chess team sa 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Tinibag ng beteranong si Torre si International Master Moulthun Ly ng Australiaupang tumapos na walang talo sa iskor na 10 puntos mula sa posibleng 11.
Nagkasya sa ikatlong puwesto ang 64-anyos at nasa rekord na ika-23 na paglalaro sa kada dalawang taong torneo na si Torre sa board 3 base sa percentage. Tinalo siya nina gold medalist GM Wesley So (7.5 of 9) at silver medalist GM Zoltan Almasi ng Hungary (8.5 of 10).
Si So ay dating miyembro ng pambansang koponan pero ngayo’y nasa panig na ng nagkampeong USA.
Nanalo rin ng individual medal si Torre sa 1974 World Chess Olympiad sa Nice, noong 1980 sa La Valleta, Malta at noong 1986 sa Dubai, United Arab Emirates.
Samantala, bagaman hindi nagawang mag-uwi ng medalya sa Olympiad, isang milestone naman ang nakamit ni Janelle Mae Frayna.
Itinanghal na unang Woman Grand Master ng bansa ang 20-anyos na si Frayna matapos makamit ang kailangang anim na puntos sa Olympiad.
Tumapos ang Philippine men’s chess team sa ika-58 puwesto habang nakuntento sa ika-34 puwesto ang women’s team mula sa 140 bansang kalahok.
Women’s Basketball
Winalis ng Perlas Pilipinas ang 2016 SEABA Women’s Southeast Asian Women’s Basketball Championship upang tanghaling kampeon sa Malacca, Malaysia.
Tinambakan ng Perlas Pilipinas ang Singapore (69-43), Laos (179-32), Vietnam (134-56), Indonesia (72-56), Thailand (72-52) at naungusan ang karibal na Malaysia (77-73).
Ito ang unang gintong medalya ng bansa sa SEABA women’s sa loob ng anim na taon at pangalawa mula nang lumahok ang bansa sa torneyo noong 1995.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.