Pangako ni Coco: Sunud-sunod ang magaganap na pasabog sa ‘Ang Probinsyano’ hanggang Disyembre
HABANG papalapit kami sa Kapamilya actress na si Yassi Pressman pagkatapos ng presscon para sa 1st anniversary ng FPJ’s Ang Probinsyano ay nakangiti na agad ang dalaga at sabay sabing, “Ito na ‘yun, ate, ‘yung sinasabi mo na serye ko.”
Nakakatuwa si Yassi dahil mabilis natatandaan pa pala niya kami bossing Ervin. Tungkol kasi sa bagong project niya sa ABS-CBN ang tinanong namin sa presscon ng pelikula nilang “Camp Sawi” at sabi nga niya na mayroon daw pero wala pa siyang alam dahil hindi pa sinasabi sa kanya.
Isang TV reporter ang papel ni Yassi sa FPJAP at sobrang natutuwa siya dahil ang ganda ng role niya. Ilang linggo pa lang siya sa serye ay marami na raw siyang natutunan lalo na sa buhay ng mga reporter.
Ikatlong leading lady na si Yassi ni Coco Martin sa serye at hindi maiiwasan na maikumpara siya kina Bela Padilla at Maja Salvador na parehong nagpakita ng husay sa programa.
“Sobrang gagaling po talaga nila, feeling ko hindi naman maiiwasan na maikumpara pero so far, sobrang saya rin po ng pagtanggap nila sa akin, sa Twitter, sa Instagram na pino-post nila kaya natutuwa rin po ako na tinatanggap nila,” sagot ng dalaga.
Ano naman ang masasabi niya kay Coco? “Sobrang bait po, siya ‘yung tipong aktor na hindi niya itinatago sa sarili niya kung ano ‘yung nalalaman niya, gusto niya, sine-share niya sa lahat.
“Tulad nu’ng sinabi ng mga bata (Onyok at MacMac), hindi lang doon, sa aming lahat. Ginagawa niyang ma-guide niya kaming lahat,” kuwento ng aktres.
Sa tingin ba niya magtatagal ang papel niya bilang si Alyanna? Alam naman ng lahat na pinatay na ang karakter nina Bela at Maja sa FPJAP, “Oo nga po, eh, sana huwag naman akong patayin, sana patuloy pa rin akong iligtas ni Cardo (Coco),” natawang sabi ng dalaga.
Iniligtas ni Cardo si Alyana nang gawing hostage ni Paulo Avelino sa episode na napanood noong Martes ng gabi. Kuwento ni Yassi, “Sobrang pasa-pasa nga po o, (sabay pakita ng braso) kasi totoo ‘yung higpit ng hawak, pero maalalay naman po si Paulo, ang galing nila talaga.”
q q q
Timing nga ang pagpasok ni Yassi dahil umabot siya sa 1st anniversary celebration ng FPJAP na patuloy na namamayagpag sa ratings game. Hawak pa rin nito ang pinakamataas na nationwide rating ngayong taon na 46.7% sa national TV ratings na naitala nitong Pebrero.
Nangunguna rin sa trending topics sa Twitter at ang pag-ani nito ng humigit-kumulang 11.7 million views sa iWant TV, patunay sa matinding tagumpay nito hanggang sa online world.
Kabilang din si Yassi sa gaganaping 1st anniversary concert ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Araneta Coliseum sa Okt. 8, Sabado bilang pasasalamat sa lahat ng taong sumusuporta sa programa nila.
Bukod kina Yassi at Coco ay makakasama sa selebrasyon sina Ms. Susan Roces, Maja Salvador, Arjo Atayde, Simon “Onyok” Pineda, McNeal “Awra” Briguela, John Prats, Yassi Pressman, Jaime Fabregas, pati na rin sina Bela Padilla, Pepe Herrera, Agot Isidro, Albert Martinez at Eddie Garcia.
Makikisaya rin sina James Reid at Nadine Lustre, Elmo Magalona at Janella Salvador at ang bagong loveteam na McLisse, sina McCoy de Leon at Elisse Joson. May magandang production number din sina Gary Valenciano, Ogie Alcasid, Vina Morales, Ayen Laurel at iba pang ASAP stars.
At siyempre hindi rin mawawala ang It’s Showtime family tulad nina Vice Ganda, Vhong Navarro, at Hashtags. Babati rin ang cast ng “The Third Party” na sina Sam Milby, Zanjoe Marudo at Angel Locsin.
Para sa libreng ticket, maaaring pumunta sa ABS-CBN Center Road ngayong araw mula 1 p.m. hanggang 7 p.m..
Samantala, marami pang pasabog ang FPJ’s Ang Probinsyano sa mga susunod na linggo, “Actually, talagang pinaghahandaan po namin. Mula ngayong Oktubre hanggang December, mapapanood na ang napakatagal na nilang hinihintay. Ngayon po unti-unti nang mabubuksan ang lahat ng totoong kuwento ng mga karakter.
“Kasi ‘yung mga nakaraan po, maraming mga isyu na tinackle tayo, maraming mga guest na nakatrabaho. Ngayon tatakbo na kung ano ‘yung mga siktreto na itinatago ng bawa’t karakter.
“Kaya sisiguraduhin po namin na sa loob ng tatlong buwan, hinding-hindi kayo bibitaw kasi ito ‘yung pinakamatagal na hinihintay ng mga manonood at malaman ang totoo,” sabi pa ni Coco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.