JOHN LLOYD pagod na pagod na raw sa katatrabaho kaya gusto nang mamahinga
Kahit pala sa kanyang mga kaibigan at katrabaho ay madalas sinasabi ni John Lloyd Cruz na gusto na niyang magpahinga.
Hindi pa naman ngayon ang itinatakda niyang panahon para sa pagtalikod sa pag-aartista, bibilang pa siguro ‘yun nang ilang taon, pero nakaprograma na talaga sa kanyang utak ang pamamaalam sa showbiz.
Walang masama sa ideyang naglalaro ngayon sa isip ni JLC, karapatan niya ‘yun, lalo na’t halos hindi na nga niya na-enjoy at napakinabangan ang kanyang kabataan dahil nasuga siya agad sa pag-aartista.
Kuwento ng aming source, “Palagi niyang sinasabi ‘yun, lalo na kapag gabi-gabi na siyang walang tulog, araw-araw na walang pahinga, kapag halos ninanakaw na pati ang personal time niya.
“Hindi naman natin siya masisisi, meron pala kasing pagkakataon na magsisimula siyang magtrabaho nang umaga, matatapos siya, kinabukasan na.
Konting pahinga lang, balik na naman siya sa shooting, mabuburyong ka nga talaga kapag ganu’n ang schedule mo,” pagkampi ng aming source kay John Lloyd.Sa maagang panahon ay natuto nang pahalagahan ng magaling at guwapong aktor ang kanyang mga pinagpapaguran-pinaghihirapan, nagpatayo na siya agad ng bahay para sa kanyang mga magulang at kapatid, meron din siyang sariling bahay na maituturing na niyang kayamanan sa laki ng inabot na halaga.
Kayang-kaya na niyang magpahinga talaga, meron na rin siyang naiipong halaga kapag dumating ang kanyang pamamahinga, ganu’n kaorganisado sa kanyang pamumuhay ang pinakamagaling na aktor ng kanyang panahon.
“Nakapanghihinayang lang talaga dahil maraming malulungkot kung sakaling talikuran na nga niya ang showbiz, pero nandu’n ang happiness niya, ‘yun ang ultimate reason na puwede niyang ibigay na hindi naman kayang punan ng mga sumusuporta sa kanya,” paninindigan ng aming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.