San Miguel Beermen, Barangay Ginebra Kings sisimulan ang semifinals duel
Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel Beer vs Barangay Ginebra
MAKUHA ang unang panalo ang hangad ng San Miguel Beermen at Barangay Ginebra Kings sa pagsisimula ng 2016 PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sisimulan ng Beermen at Gin Kings ang unang pares ng duwelo ng mga ‘sister teams’ sa semis sa kanilang laro dakong alas-7 ng gabi.
Agad na dumiretso sa semifinals ang kapwa may twice-to-beat advantage na Barangay Ginebra at San Miguel Beer matapos na patalsikin ang kani-kanilang nakalaban sa quarterfinals.
Nalusutan ng Beermen ang NLEX Road Warriors, 114-110, habang natakasan ng Kings ang Alaska Aces, 109-104, para ikasa ang pagtatagpo sa semis.
Bagamat parehong tinapos ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra ang elimination round na may 8-3 kartada, ang Beermen ang pinapaborang magwagi sa kanilang semifinal series.
Ang San Miguel Beer ay pangungunahan nina balik-import Elijah Millsap at two-time season Most Valuable Player June Mar Fajardo.
Sasandalan din ni Beermen coach Leo Austria sina dating MVP Arwind Santos, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot, Ronald Tubid at Chris Ross.
Ang Barangay Ginebra ay pamumunuan naman nina Best Import of the Conference candidate Justin Brownlee at LA Tenorio.
Aasahan din ni Gin Kings mentor Tim Cone sina Japeth Aguilar, Solomon Mercado, Chris Ellis, Joe Devance, Mark Caguioa at Earl Scottie Thompson.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.