Nietes nakopo ang WBO Intercontinental flyweight title
PINATUNAYAN ni Donnie “Ahas” Nietes na kaya niyang magdomina sa flyweight division matapos itala ang unanimous decision panalo kontra dating world champion Edgar Sosa sa main bout ng Pinoy Pride 38 sa StubHub Center sa Carson, California, USA kahapon.
Hindi naging hadlang para kay Nietes ang pagdagdag niya ng timbang matapos bigyan si Sosa ng boxing clinic sa umpisa pa lamang ng laban para mapanalunan ang World Boxing Organization (WBO) intercontinental crown.
Nakuha ni Nietes ang suporta ng mga hurado sa magkakaparehong iskor na 120-108 at kinumpleto rin niya ang dominasyon ng mga Filipino boxers laban sa mga katunggaling Mexicano.
Ang panalo ng 34-anyos na si Nietes, na hinawakan din ang titulo sa minimumweight (105 pounds) at light flyweight (108) division sa loob ng walong taon, ay nagpatunay din na kaya niyang maghari sa 112-lb class.
Pinagpatuloy naman ni Mark “Magnifico” Magsayo ang kanyang walang bahid na kartada matapos itala ang unanimous decision pagwawagi kontra Ramiro Robles para mapanatili ang kanyang WBO international featherweight crown.
Pinatumba ni Magsayo, na may 15-0 at 11 knockouts kartada, si Robles (13-6-1, 8 KOs) ng dalawang beses sa ikalawang round at isang beses sa ikapitong round bago nagawa ng Mexicano na makaabot hanggang sa ika-12 round ng laban.
Ang mga hurado ay nagbigay ng 118-108, 119-107, 120-106 iskor na lahat ay pumabor kay Magsayo.
Mas impresibo ang panalo ni “King” Arthur Villanueva (22-11, 15 KOs) na pinatumba si Juan Jimenez (30-1, 15 KOs) sa 2:20 marka ng ikalawang round para mapanatili ang hawak sa WBO Asia Pacific bantamweight title sa kanilang rematch.
Pinatunayan na hindi tsamba ang kanyang panalo kay Jimenez sa kanilang unang laban noong Mayo 28 sa Bacolod City, nagpakawala si Villanueva ng counter punches bago tinapos ang Mexicano gamit ang matinding right cross punch sa panga.
Bumagsak si Jimenez sa canvas na una ang mukha at hindi na kinailangang tapusin ni referee Jerry Cantu ang kanyang pagbilang dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.