NANINIWALA si Senador Leila de Lima na si Pangulong Duterte ang nasa likod ng pagpapatalsik sa kanya bilang chair ng Senate committee on justice and human rights na dumidinig sa sunod-sunod na patayan sa bansa.
“Majority po ang nag-oust sa akin bilang chair ng committee on justice. Wala po akong duda na mayroong kinalaman dyan ang ating Pangulo,” paliwanag ni de Lima sa isang panayam sa telebisyon matapos ang pagsibak sa kanya.
“Bagamat nirerespeto ko po ang aking mga kasamahan, siguro po pwede kong masabi na naiitindihan ko ang ginawa nila pero uulitin ko po yun, imposible po walang kinalaman dito ang ating Pangulo,” dagdag pa ng senador.
Naniniwala rin anya siya na labis na nagalit sa kanya ang pangulo matapos niyang iprisinta si Edgar Matobato, na diumano’y dating miyembro ng Davao Death Squad, at direktang nag-link sa pangulo sa serye ng patayan noong panahong alkalde pa siya ng Davao City.
“Syempre tumindi lalo ang galit nya (Duterte). Talaga namang galit sa akin di ba? I mean, he was not concealing yung galit nya sa akin when I started nga this inquiry na binastos talaga ako ng husto, may mga (binato) sa akin na below the belt, may mga statement like you’re finished,” dagdag pa nito.
“So itong mga ginagawa sa akin, mukhang mga finishing touches yun para sa kanya,” anya pa.
Inamin din ng senador na labis niyang ikinalungkot ang pagkakasibak sa kanya.
Samantala nanindigan din siya na hindi siya dadalo sa gagawing pagdinig ng Kamara na nagdadawit naman sa kanya sa droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.